Isko

P40M pondo para pambili ng lupa aprubado na sa Maynila

Edd Reyes Jun 9, 2026
79 Views

PASADO na sa Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang ordinansang maglalaan ng P40 milyong pondo na pambayad sa lupa sa Mayhaligue St., Tondo na gagamiting resettlement para sa mga naninirahan doon.

Ayon kay Vice Mayor Chi Atienza, naipasa ang Ordinance 9192 na inakda nina Councilors Darwin “Awi” Sia, Edward Tan, John Christopher Sy at Raymundo Yupangco para sa permanenteng tirahan ang mga Manileño.

“Alam niyo po, napakahirap po talagang ma-gibaan, lalo na dekada-dekada nang nakatira sa kanilang mga bahay doon sa lugar namin.

Kaya ako po’y nagpapakababang-loob sa inyo na humihingi ng tulong na suportahan po natin ang ordinansang ito,” paliwanag ni Sia.

Sinabi ni Atienza na ang mabilis na pagpapasiya ng alkalde sa paglutas sa mga problema ng Manilenyo ang naging daan para aksyunan agad nila ang ordinansa.

Mismong si Mayor Isko Moreno ang nakatuklas na hindi napondohan ang unang ordinansa ng nakaraang administrasyon para ipambili ng pribadong lupa nang magtungo sa kanyang tanggapan ang mga taga-Mayhaligue.