Calendar
Adiong: Isyu ng ‘Maleta Boys’ panlilihis ng atensyon mula sa paglilitis kay VP Sara
IGINIIT noong Miyerkules ni House trial spokesperson at kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong na ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng tinaguriang “Maleta Boys” ay tila may layuning ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Sa panayam sa programang Memo with Korina Sanchez ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Alonto Adiong na ang tiyempo ng mga alegasyon at ang mga personalidad na sangkot dito ay nagdulot ng hinalang ginagamit ang isyu upang mailayo ang atensyon ng publiko sa impeachment proceedings.
“Very obvious talaga sa akin ‘yun na meron talagang attempt para i-divert ‘yung attention doon sa impeachment trial,” ani Alonto Adiong.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa mga alegasyon ng tinaguriang “Maleta Boys,” isang grupo ng 18 dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative na si Zaldy Co, na nagsabing sila umano ang naghatid ng mga maletang puno ng salapi para sa mga mambabatas at iba pang personalidad.
Isa si Alonto Adiong sa mga pinangalanan sa mga alegasyon, na paulit-ulit naman niyang pinabulaanan.
Bagama’t siya mismo ay nadawit sa mga paratang, sinabi ng House trial spokesperson na hindi dapat matabunan ng kontrobersiya ang konstitusyunal na tungkulin ng Senado na ituloy ang impeachment trial.
Binanggit niya na ang mga taong nasa likod ng mga alegasyon ay hayagang nagsasabing sila ay mga tagasuporta ni Duterte.
“Sila mismo naman talaga mismo ‘yung nagsasabi na they’re really known to be a supporter of the Vice President,” aniya.
Itinuro rin ni Alonto Adiong ang mga pagsisikap na maiharap ang grupo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon kahit kasabay nito ang paghahanda para sa impeachment trial.
“So makikita mo naman even during the Blue Ribbon Subcommittee, sila talaga ‘yung nag-insist na kailangan mapunta doon ‘yung 18 Marines,” aniya.
“Kung titignan mo, from that circumstance alone, hindi mo rin pwedeng masisi ‘yung tao kung ang right away na magiging suspicion niya o magiging observation niya is attempt ito para malihis ‘yung usapin sa impeachment,” dagdag niya.
Ayon kay Alonto Adiong, nagtagumpay ang kontrobersiya sa layuning iyon dahil nailihis nito ang atensyon ng publiko mula sa impeachment case.
“At ‘yun naman talagang naging resulta kasi hindi lang ang House Prosecution Team, hindi lang ‘yung sumusuporta sa impeachment, but even ‘yung mga other sectors like sa legal community, academe, religious community, sinasabi na bakit ninyo ginagawa ito, paglilihis ito doon sa tunay na usapin which is the impeachment trial,” aniya.
Sinabi rin ng mambabatas na ang ilan sa mga isyung iniuugnay sa mga alegasyon ay kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga naaangkop na ahensya ng pamahalaan.
“Kung sa flood control, meron nang ahensya na gumagalaw diyan, andiyan ang Ombudsman. In fact, mayroon nang naaresto at saka ‘yung ibang pangalan na nabanggit, active ‘yung investigation diyan, may case buildup na ginagawa diyan,” aniya.
Binigyang-diin ni Alonto Adiong na iba ang responsibilidad ng Senado dahil nakapagsimula na itong gampanan ang hurisdiksyon nito sa Articles of Impeachment laban kay Duterte.
“Kumbaga itong Senate ngayon, since they have taken jurisdiction over the Articles of Impeachment, ang duty nila ngayon is to forthwith proceed with the trial,” aniya.
Sa kabila ng umiiral na kontrobersiyang pampulitika at mga kamakailang tensyon sa liderato ng Senado, nagpahayag si Alonto Adiong ng kumpiyansa na matutuloy ang impeachment proceedings ayon sa nakatakdang iskedyul.
“Wala naman ako kaduda-duda, matutuloy ‘yan dahil nga naka-receive na nga tayo ng notice o memo galing sa ating Senate President, so tuloy-tuloy na po ‘yan,” sabi niya.
Nakatakdang idaos ng Senate impeachment court ang pre-trial conference nito sa Hunyo 18, isang mahalagang yugto kung saan pagtitibayin ang mga isyu, ebidensya, at mga testigong ihaharap bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis.

