Calendar
50% student fare discount sa LRT-2, MRT-3; 20% discount sa EDSA Busway pinatutupad
KASABAY ng pagbabalik-eskwela ng mga estudyante, patuloy na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) ang 50% student fare discount sa LRT-2 at MRT-3, at 20% na diskwento sa EDSA Busway. Para sa maraming mag-aaral, malaking gastos ang araw-araw nilang pamasahe makapasok lamang sa paaralan.
Kaya naman magandang benepisyo ang dala ng mga diskwento sa pamasahe dahil malaki ang kanilang matitipid. At ano mang savings nila ay maaari ng magamit sa iba pa nilang gastusin sa ekwelahan.
Ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOTr, na tiyaking abot-kaya ang pamasahe para sa mga estudyante nang sa gayo’y gumaan ang kanilang gastusin at maibsan ang kanilang mga alalahanin.
“Tulad ng laging sinasabi ng ating Pangulo, kailangan nating tulungan ang mga estudyante lalo na ngayong balik-eskwela na sila. ‘Yung discount na matitipid nila, magagamit pa nila sa iba pang pangangailangan maging para sa kanilang pamilya. Kaya patuloy na tinututukan ng DOTr ang pagbibigay ng kumbinyente, mabilis, at mas abot-kayang biyahe para sa ating mga estudyante,” ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez.
Para sa student-teacher na si Bryan, malaking bahagi ng kanyang baon ay napupunta sa pamasahe. Pero dahil sa 50% fare discount sa tren, malaki ang kanyang naiipon. Ang kanyang natitipid sa pamasahe ang pinambibili nya ng mga gamit para sa kanyang lesson plans at worksheets
“Usually po kasi ang baon ko po around ₱100. So way back before nung wala pa po ‘yung discount sa LRT, MRT, is malaki po ‘yung natatapyas dun po sa pag ba-budget ko po. So, ngayon po na meron na pong discount, especially sa mga students na kagaya po namin, is malaki pong naitutulong nun,” ayon kay Bryan.
Sa pagkain at school expenses naman napupunta ang natitipid ng Grade 12 student na si Rin mula sa 50% fare discount sa MRT-3.
“Very helpful po siya sa students like me, kasi po, kalahati na lang po ‘yung binabayad ko. Tapos, back and forth po kasi ‘yung biyahe, so like mas efficient po siya when it comes sa pagbabayad,” pahayag ni Rin.
Ibinahagi naman ni Carl na malaking tulong ang 20% fare discount sa EDSA Busway para sa mga katulad niyang estudyante na nagkukulang ang baon dati dahil sa laki ng pamasahe.
“Malaking tulong din po kasi ‘yung (discount), lalo na po ngayon may discount din po ‘yung Busway kaya sa tulong din po nun, makaka-mura din po ng pamasahe. Gusto ko pong pasalamatan ‘yung sa government, lalo na po si President for making this project possible na malaking tulong po sa amin lalo na po sa discount, tapos ‘yung sa Beep card,” ani Carl.

