Job Fair

Mega Job Fair sasabayan Araw ng Kalayaan sa Las Piñas

Edd Reyes Jun 10, 2026
142 Views

MAGSASAGAWA ng Mega Job Fair ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa Biyernes, kasabay ng pagdiriwang ng ika-128-taong Araw ng Kalayaan sa dalawang malaking mall sa lungsod.

Hinikayat ni Las Piñas City Mayor April Aguilar ang lahat ng naghahanap ng trabaho na makilahok sa Job Fair na magsisimula ng alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon sa Robinsons Place Las Piñas at SM Center Las Piñas na pangangasiwaan ng Public Employment Service Office (PESO) ng lungsod.

Sinabi ng alkalde na handog ng pamahalaang lungsod ang pagkakataong ito upang matulungan ang mga Las Piñero na makahanap ng trabaho at makapagbukas ng mas maraming oportunidad para sa kanilang kinabukasan.

Aabot sa 26 na kompanya at establisimiento ang lalahok sa job fair sa SM Center, kabilang na rito ang 10 kompanyang may malalaking puwesto sa SM, habang 22 kompanya naman ang mag-aalok ng trabaho sa mga job seekers sa Robinsons Las Pinas.

Nagpaalala naman ang PESO sa mga lalahok sa job fair na magdala ng tatlo o higit pang kopya ng resume o biodata, dumating ng tama sa oras, at magsuot ng maayos na kasuotan.