Calendar
PWD online seller, 14, tsinugi ng menor-de-edad na buyers
TODAS ang 14-anyos na person with disability (PWD) na nago-online selling matapos pagtulungang bugbugin ng kanyang buyer at lima nitong mga kasama na pawang mga menor-de-edad sa Paranaque City.
Naisugod pa ng mga nagrespondeng barangay tanod sa pagamutan ang biktima subalit nasawi rin makaraan ang isang araw sanhi ng tinamong matinding bugbog sa kamay ng mga suspek na kaagad ding naaresto ng mga tauhan ng Paranaque police, sa tulong ng mga opisyal ng barangay.
Sa inilabas na ulat nitong Miyerkules ng umaga ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nangyari ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon noong Biyernes sa Sucat Footbridge sa Brgy. BF Homes matapos makipagtagpo ang biktima, kasama ang kaibigang testigo, sa buyer ng short pants na ibinebenta niya online sa kanyang Facebook account.
Sa kalagitnaan ng transaksiyon, bigla na lamang kinuyog at pinagtulungang bugbugin ng mga suspek ang biktima habang nakatakbo naman ang kanyang kasama para humingi ng tulong sa barangay.
Napag-alaman na nakausap pa ng ina ng biktima ang kanyang anak na kalunos-lunos na noon ang kalagayan nang puntahan sa pinagdalhang ospital noong Biyernes ng hapon hanggang tuluyan ng masawi kinabusakan, araw ng Sabado.
Bilang pagtalima naman sa wastong pauntunan ng pagdakip sa mga menor-de-edad, dinala ng pulisya ang mga naarestong kabataan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos isailalim sa inquest proceedings sa Paranaque City Prosecutor’s Office para sa isasaimpang kasong Murder.

