Suspek

QCPD nahuli 5 ‘tulak’ sa buy-bust

122 Views

LIMANG hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakahiwalay na buy-bust operation kung saan nakumpiska ang tinatayang P577,400 halaga ng shabu at marijuana kush.

Ayon sa QCPD, pinakamaraming droga ang nasamsam sa operasyon ng Batasan Police Station 6 nang madakip sina alyas “Gian,” 33, at alyas “Rosario,” 46, kapwa residente ng Barangay Holy Spirit.

Dakong alas-11:30 ng gabi noong Hunyo 9, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Pepit St., Barangay Commonwealth, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng droga ng mga suspek.

Narekober mula sa dalawa ang 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000, dalawang coin purse, cellphone at buy-bust money.

Samantala, alas-6:05 ng gabi noong Hunyo 8 nang maaresto ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) si alyas “Angelo,” 40, residente ng Barangay Libis, sa harap ng isang hotel sa Barangay Socorro.

Nasamsam sa kanya ang 11 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P74,800, isang Honda Click motorcycle, cellphone, pouch at marked money.

Sa hiwalay na operasyon, timbog rin si alyas “Aetan,” 22, ng Anonas Police Station 9 sa K10 corner K11 St., Barangay East Kamias.

Nakumpiska sa kanya ang 50 gramo ng marijuana kush na tinatayang nagkakahalaga ng P75,000, isang Yamaha NMAX motorcycle, cellphone, eco bag at buy-bust money.

Naaresto rin ng Novaliches Police Station 4 si alyas “Cedric,” 47, sa kanyang bahay sa Barangay Gulod, Novaliches noong Hunyo 9.

Nakuha mula sa suspek ang walong gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P54,400, coin purse, cellphone at marked money.

Lumitaw sa beripikasyon ng pulisya na sina Gian, Rosario at Cedric ay may nauna nang mga kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay QCPD Director Randy Glenn Silvio, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanagot ang mga sangkot sa bentahan at distribusyon ng mga ipinagbabawal na gamot.