DHSUD

DHSUD pinaigting proteksyon sa mga homebuyers

Jun I Legaspi Jun 11, 2026
69 Views

DHSUD1DHSUD2PINAIGTING ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga homebuyer sa pamamagitan ng mas mabilis na pagresolba ng mga hinaing sa pamamagitan ng mass conciliation.

Iniutos ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling sa lahat ng Regional Offices (ROs) na pabilisin ang pagsasagawa ng conciliation proceedings sa pagitan ng mga homebuyer at developer.

“Bigyang prayoridad ang conciliation efforts sa lahat ng mga kasong maaari upang mahikayat ang maayos na kasunduan sa pinakamaagang yugto,” ani Secretary Aliling sa mga regional director ng DHSUD.

Sa Regional Office 4A, nagsagawa si Undersecretary Odilon Pasaraba ng dalawang araw na mass conciliation sa Rizal Coliseum sa Calamba City, Laguna at daan-daang homebuyer at developer ang nagtipon upang maresolba ang mga nakabinbing kaso sa pamamagitan ng dayalogo.

Kabuuang 241 kaso ang nakatakdang dinggin at i-conciliate na nagbigay daan ito sa mga partido na makapagtamo ng kasunduan at matugunan ang matagal nang alalahanin sa isang kolaboratibong paraan.

Bahagi ito ng Zero Backlog Program na naglalayong magbigay ng mas mabilis, mas madaling ma-access at mas abot-kayang serbisyo sa pagresolba ng mga sigalot.

“Bilang regulatory agency, binabalanse ng DHSUD ang kapakanan at proteksyon ng lahat ng stakeholders, partikular ang mga homebuyer. Hangad namin na lahat ay mapaglingkuran ng tama, malinis at mabilis,” sabi ni Secretary Aliling.

Kabilang sa mga kasong tinutugunan ay ang pagbebenta ng mga property na walang license to sell, pagkaantala sa turnover ng real estate project at refund.

“Hindi lamang Expanded 4PH ang aming tinututukan. Bahagi ng aming mandato ang tiyakin ang kapakanan ng mga homeowners at homebuyers sa buong bansa.

Nais naming ilapit ang aming serbisyo sa taumbayan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr.,” dagdag ni Secretary Aliling.