Calendar
Chua nakakakita ng pattern ng mga pagtatangkang ilihis ang atensyon mula sa impeachment trial ni VP Sara
IPINAHIWATIG ni House prosecutor at kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Maynila na si Joel Chua nitong nakaraang weekend na ang sunod-sunod na kontrobersiyang kasabay ng mahahalagang pangyayari sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay maaaring bahagi ng mga pagsisikap na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga pagdinig.
Sa kanyang pagdalo sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Chua na naniniwala siyang kapansin-pansin na ang mga pagtatangkang maantala o mapahinto ang proseso ng impeachment mula pa nang i-impeach ng Kamara ang Bise Presidente.
“Sa tingin ko po, right from the very beginning, ‘yan naman talaga ang kanilang strategy,” ani Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nang tanungin kung maaaring gamitin ang kasalukuyang kaguluhan sa Senado upang maantala ang impeachment trial na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.
Patuloy na iginiit ng House prosecution panel na dapat magpatuloy ang impeachment proceedings nang walang pagkaantala, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon na obligadong ituloy ng Senado ang paglilitis kapag natanggap nito ang Articles of Impeachment.
Itinuro ni Chua ang ilang pangyayaring naganap kasabay ng mahahalagang yugto ng impeachment process, at sinabing tila naililihis ng mga ito ang atensyon ng publiko mula sa kaso.
“Kung titingnan po ninyo ang pagkakasunod-sunod ng pagkakataon, nung araw po na kami ay bomoboto sa plenaryo para dito po sa impeachment, ‘yun din ‘yung araw kung saan nagkagulo po ang leadership ng Senado,” aniya.
“‘Yung araw naman po na ita-transmit po ‘yung Articles of Impeachment sa Senado, ‘yun din yung araw kung saan nagkaroon ng barilan sa Senado,” dagdag niya.
Bagama’t hindi niya direktang iniuugnay ang mga pangyayari, sinabi ni Chua na ang tiyempo ng mga insidente ay nagdulot ng mga haka-haka sa ilang mga tagamasid.
“Marami pong nagsasabi na baka may connection din ito, baka talagang gusto nila malihis ‘yung totoong isyu po dito sa impeachment,” aniya.
Binigyang-diin ni Chua na anuman ang mga kontrobersiyang pampulitika na bumabalot sa Senado, dapat manatiling nakatuon ang pansin sa mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment at sa tungkulin ng Senado sa ilalim ng Konstitusyon na dinggin at pagpasiyahan ang kaso.
Sa kabila ng mga pangyayari, sinabi niyang nakatuon pa rin ang House prosecution panel sa paghahanda para sa susunod na yugto ng proseso.
Nakatakdang isumite ng prosekusyon ang kanilang pre-trial brief bago ang pre-trial conference sa Hunyo 18, kung saan inaasahang pagtitibayin ng magkabilang panig ang mga katotohanan, mamarkahan ang mga ebidensiya, at tutukuyin ang mga testigo bago ang pormal na paglilitis.
Inimpeach ng Kamara si Duterte noong Mayo 11, 2026, matapos bumoto pabor sa reklamo ang 257 mambabatas, habang 25 ang tumutol at siyam ang nag-abstain.
Naipadala na sa Senado ang Articles of Impeachment, at nakatakdang simulan ng Senado ang paglilitis sa Hulyo 6.
Ayon kay Chua, naghahanda ang prosekusyon na magharap ng humigit-kumulang 25 testigo, karamihan sa mga ito ay magpapatotoo hinggil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at sa paggamit ng confidential funds.

