Nakaw

9 lalaki huli sa pagnakaw ng cable wire sa QC

33 Views

Nakaw1ARESTADO ang siyam na lalaki na nabisto sa tangkang pagnanakaw ng telecommunications cables ng Philippine Long Distance Telephone Co. sa Commonwealth Avenue, Brgy. Matandang Balara, Quezon City noong Linggo.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), namataan ng mga pulis dakong alas-4:00 ng umaga ang mga suspek na pinuputol ang mga copper cable na nasa ilalim ng lupa.

Nang lapitan ng mga pulis, nagtangkang tumakas ang ilan ngunit naaresto ang siyam sa kanila at nakumpiska ang 1,500 pares ng 26-gauge PLDT FSF underground copper cables na nagkakahalaga ng P163,852.25.

Nasamsam din ang bolt cutter, martilyo, mga lagare, saw frame at heavy-duty anchor chain at utility van na hinihinalang gagamiting panghakot ng mga nakaw na kable.

Walang naipakitang identification card, work order o anumang dokumento ang mga suspek na magpapatunay na sila ay awtorisadong manggagawa ng PLDT.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013) at theft sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay QCPD director PBGen. Randy Glenn Silvio, patunay ang operasyon sa kampanya ng pulisya laban sa mga nagnanakaw ng utility items.