Calendar
Lacson pinuri ang paninindigan ni Villanueva sa special session
PINURI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Sen. Joel Villanueva matapos sabihin na dadalo siya sa posibleng special session.
“Importante talaga ’yung special session. I appreciate, I admire yung attitude ni Sen. Joel Villanueva na ikino-consider niyang sagradong duty ang pag-attend ng special session.
I just hope na ’yung ibang kasama niya sa bloc ni Alan Peter Cayetano ay ganoon din ang attitude sana,” dagdag ni Lacson.
Sinabi ni Villanueva na dadalo siya sa special session sakaling ipatawag ito dahil tungkulin ng mga senador na gampanan ang kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon.
“Sa pagkakataon pong magkaroon ng special session, tutuparin po natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas. We will be there,” sabi ni Villanueva.
Ayon kay Lacson, dapat dumalo ang lahat ng senador sa special session dahil maaari itong magamit upang maaksyunan ang mga nakabinbing panukala at mga usapin sa Commission on Appointments.
Inilulutang ang posibleng special session sa gitna ng patuloy na sigalot sa pagitan ng bloc na kumikilala kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang acting Senate President at ng kampo ni Cayetano.
Nagsimula ang leadership dispute matapos ang sesyon noong Hunyo 3 kung saan inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kinilala ng kanyang bloc bilang acting Senate President. Kinuwestiyon naman ng kampo ni Cayetano ang bisa ng hakbang.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtawag ng special session kung may formal request at sapat na dahilan, lalo na para sa mga urgent matter na naapektuhan ng Senate standoff.
Maaaring magkaroon ng epekto sa bilang sa Senado ang posibleng pagdalo ni Villanueva, ngunit hindi niya sinabing sasama siya sa Gatchalian bloc o magiging ika-13 boto nito.
Itinuon ng pahayag ni Lacson ang pansin sa kung dadalo rin ang iba pang senador na kaalyado ni Cayetano kung ipapatawag ang special session, habang nananatiling nakatuon ang usapin sa mga nakabinbing panukala at appointment na naapektuhan ng impasse.

