Dole

DOLE, Oriental Mindoro pinalalim kooperasyon para sa edukasyon ng mga katutubo

Helen D. Prado Jun 17, 2026
39 Views

Dole1Oriental Mindoro – Pinalalim at pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro at Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (DOLE) ang kanilang pagtutulungan para mapalawak ang edukasyon ng mga katutubong Mangyan.

Nilagdaan nina Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor, Bise Gobernador Antonio Perez Jr., DOLE OIC-Assistant Secretary Atty. Jebb Lynus Cane, at DOLE MIMAROPA Direktor Naomi Lyn Abellana ang Kasunduan para sa Government Internship Program – Zero Illiteracy and Innumeracy Program (GIP-ZIIP).

Layunin nitong sanayin ang mga katutubo sa pagbasa, pagsulat, at pagbilang sa pamamagitan ng mga kapwa nilang kalahok bilang guro. Ayon kay Gob. Dolor, sisiguraduhin ng pamahalaan na walang maiiwan sa pag-abot ng edukasyon.

Binigyang-diin naman ng DOLE na malaki ang tulong nito upang mapataas ang kakayahan ng mga katutubo at mapabuti ang kanilang kabuhayan.

Nasaksihan ang seremonya ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya, lokal na opisyal, at mga benepisyaryo ng mga programa ng DOLE.