Calendar
Nationwide quake drill kasali Malabon
SUMALI sa 2nd quarter nationwide simultaneous earthquake drill (NSED) ang mga estudyante, guro at tauhan ng mga pampublikong paaralan sa Malabon City noong Huwebes na pinangasiwaan ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nasa 600 na estudyante, guro, at tauhan ng Panghulo Elementary School main ang sumali sa “Duck, Cover, and Hold” dril bilang bahagi ng patuloy na paghahanda sa anumang sakuna.
Mahalaga ang paghahanda, lalo na sa malakas na lindol na posibleng tumama sa Metro Manila, para sanayin ang katatagan ng mga tao na angkop din sa mabilis na pagbangon sa anumang sakuna, ayon kay Mayor Jeannie Sandoval.
“Kamakailan lamang ay may naganap na lindol sa Mindanao.
Ang kaganapang ito ay paalala sa bawat mamamayan hindi lamang sa ating lungsod kundi maging sa ibang lugar na kinakailangang maging handa tayo sa anumang oras pagdating ng sakuna at matiyak ang ating kaligtasan,” pahayag ng alkalde.
Sa pamamagitan ng aktibidad ay nalalapit nila sa mga mamamayan ang kaalaman sa mga wastong hakbang na dapat gawin sakaling magkaroon ng lindol.
Ilang mga serye ng aktibidad, kabilang ang orientasyon bago ang drill at pagbibigay alam sa kaligtasan, pag-activate sa earthquake alarm, organisadong paglikas sa ligtas na lugar, headcount at iba pa.
