Condo residents inilikas sa sunog

33 Views

DAAN-daang residente ng isang condominium sa Eastwood City, Brgy. Bagumbayan, Quezon City ang pinalikas dahil sa sunog noong Huwebes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-6:53 ng umaga sa Olympic Heights Tower 3.

Ayon sa mga arson investigator, lumilitaw na nagmula ang apoy sa basement ng gusali.

Dahil sa makapal na usok na kumalat sa garbage chute, inilikas ng mga security officer, emergency responders at mga bumbero ang mga residente.

Nagsagawa rin ng rescue operations ang mga awtoridad habang sinisiyasat ng mga bumbero ang bawat palapag upang matiyak na walang residenteng maiiwan o maa-trap sa loob ng gusali.

Naapula ang apoy makalipas ang alas-10:00 ng umaga na sinundan ng clearing at mopping-up operations.

Walang naitalang nasawi o nasugatan sa sunog, bagama’t may ilang residente ang nakaranas ng hirap sa paghinga dahil sa usok.