Ina Source: IGMAT – Josefina, Zamboanga del Sur

Mag-iina tinadtad ng saksak sa Zambo del Sur

Zaida Delos Reyes Jun 29, 2026
37 Views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng mag-iina na natagpuang patay at puno ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob ng kanilang bahay nitong Lunes ng umaga sa Zamboanga del Sur.

Nakilala ang mga biktima na sina Arlene Fernan Dumalte at ang kanyang tatlong anak na sina Nacel, 14; En-en, 13, at Arnel, 12.

Batay sa ulat ng PNP, natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Litapan, Josefina, Zamboanga del Sur nitong Lunes ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon, rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng Josefina Municipal Police Station, 53rd Infantry Battalion, at mga opisyal ng barangay matapos makatanggap ng ulat hinggil sa nangyari.

Nakaligtas naman ang isang anak ng ginang matapos na makitulog sa bahay ng kanyang lola.

Sa ngayon patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sino ang may gawa ng karumal-dumal na krimen.

Isa sa mga anggulong tinitignan ng pulisya ang umano’y pakikipaghiwalay ng ginang sa kanyang asawa.