Calendar
Rapid response ng professional sa mental protection bubuuin ni Romualdez
IPINAHAYAG ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na isang regional rapid-response network ng mga propesyonal sa mental health at child protection ang posibleng iorganisa sa lalong madaling panahon kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
“Tatlo ang ating agarang direksyon. Una, bubuo tayo ng regional network ng mga volunteer psychologists, psychiatrists, guidance counselors, social workers at iba pang professionals na maaaring agad ma-deploy kapag may ganitong insidente,” sabi ni Romualdez matapos ang kanyang pagpupulong kasama ang mga opisyal mula sa Commission on Higher and Technical Education (CHED), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Price Mansion sa Tacloban City noong Lunes.
Ayon pa kay Rep. Romualdez, ang network ay susuportahan ng preventive education at mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga paaralan, at mga lokal na komunidad.
“Pangalawa, magsasagawa tayo ng regular na seminars para sa mga estudyante, magulang at guro tungkol sa mental wellness, child protection at violence prevention. Pangatlo, palalakasin natin ang koordinasyon ng lahat ng ahensya upang mas mabilis ang pagtugon kapag may mga batang nangangailangan ng tulong,” dagdag ng dating House Speaker.
“Una sa lahat, nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga biktima ng nangyari sa San Jose National High School. Bilang mga magulang at bilang isang bansa, nasaktan tayong lahat,” diin ni Romualdez.
Sinabi din ng mambabatas na ang tugon ng pamahalaan ay dapat humigit pa sa pakikiramay dahil inilantad ng trahedya ang pangangailangan para sa agarang pagkilos at pangmatagalang pag-iwas.
“Pero naniniwala ako na hindi sapat ang makiramay lang. May pananagutan tayong kumilos,” aniya.
Nagpatawag ng pagpupulong si Romualdez kasama ang mga opisyal upang talakayin ang tulong para sa mga naapektuhan at mga hakbang upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
“Kaya ipinatawag natin ang CHED, DepEd, DOH at DSWD upang pag-usapan kung ano ang maaari nating gawin—hindi lang para tumulong sa mga naapektuhan ngayon, kundi para maiwasan na maulit ang ganitong trahedya,” paliwanag ni Romualdez.

