Cayetano

Cayetano nanawagan ng agarang aksyon habang tumataas ang child stunting

36 Views

NANAWAGAN si Sen. Alan Peter Cayetano ng mas malakas na aksyon laban sa child stunting matapos ipakita ng pinakahuling nutrition data na tumaas ang stunting sa mga batang Pilipino na limang taong gulang pababa sa unang pagkakataon sa loob ng isang dekada.

Nangangahulugan ang pagtaas, ayon sa senador, na isa sa bawat apat na batang Pilipino na limang taong gulang pababa ay stunted.

Sinabi ni Cayetano na ipinapakita ng datos ang pangangailangang mamuhunan sa mga programang pumipigil sa stunting, lalo na sa unang mga taon ng buhay ng bata.

“The best return of investment, peso to peso, is in anti-stunting… You can have free and quality education, scholarships, and the best computers, pero ‘pag stunted ang bata, mahirap nang mai-correct iyon,” ani Cayetano.

Ang stunting ay tumutukoy sa impaired growth o hindi sapat na paglaki ng bata dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon sa early childhood.

Inihain ni Cayetano noong July 2025 ang Senate Bill No. 416, o ang panukalang Anti-Stunting Action Plan Council Act, bilang isa sa kanyang priority measures sa 20th Congress.

Layunin ng panukala na lumikha ng permanenteng high-level body na mag-uugnay sa nutrition programs ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, magbabantay sa implementasyon at titiyak sa tuloy-tuloy na interventions para sa mga ina at maliliit na bata.

Ayon kay Cayetano, kritikal ang interventions sa unang 1,000 araw ng buhay upang maiwasan ang pangmatagalang epekto ng stunting.

Nanawagan siya sa mga kinauukulang ahensya na sundin ang iisang national plan at magsagawa ng pilot interventions sa mga lalawigan at rehiyong may mataas na stunting rates.

Kabilang sa mga lugar na binanggit niya ang BARMM, na may 36-percent stunting rate; Zamboanga Peninsula, 34.6 percent; Negros Island Region, 30.9 percent; at MIMAROPA, 30.3 percent.