Atienza

Tangka na iugnay si Romualdez sa maanomalyang flood control project desperadong hakbang

Mar Rodriguez Jul 2, 2026
34 Views

ITINUTURING ng tagapagsalita ni dating House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na si Atty. Elaine A. Atienza ang mga panibagong pagtatangka na inuugnay ang kongresista sa mga umano’y maanomalyang flood control project bilang isang desperadong hakbang ng mga kalaban sa politika ng dating Speaker.

Binatikos din ni Atty. Atienza ang muling pagtatangka ng ilang grupo na isangkot ang dating House Speaker sa maanomalyang multi-bilyon pisong flood control scandal sa kabila ng ito ay walang basehan, walang ebidensya at hindi tumutugma sa kung paano talaga tumatakbo ang proseso ng taunang national budget.

Sa kabila ng maraming imbestigasyon ikinasa ng Senado at Kamara de Representantes wala pang dati o kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpahiwatig o nagdawit kay Romualdez na lumahok sa pagpaplano, procurement, pagpapatupad, pag-inspeksyon, pagbabayad o paglalabas ng pondo para sa anumang umano’y “ghost project,” ayon sa tagapagsalita

Ayon kay Atienza, kahit ang dating Kalihim ng DPWH na si Manuel Bonoan bilang may direktang kaalaman sa operasyon ng Kagawaran ay hindi kailanman idiniin si Romualdez sa usapin ng flood control project.

“Simple lang kung bakit – dahil hindi kasangkot si Rep. Romualdez. Ang isyung ito ay nag-uugat sa proseso ng pambansang badyet. Sa prosesong iyan. Walang iisang tao kahit ang Speaker ng Kamara ang may kontrol.

Ang National Expenditure Program (NEP) inihahanda ng Ehekutibo sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at mga ahensyang nagpapatupad, kasama ang DPWH,” pahayag ni Atty. Atienza.

Ipinaliwanag pa ng Abogada na kapag naisumite na ito sa Kongreso, ito ay pinagdedebatehan at sinusuri pareho ng Kamara at ng Senado kung saan walang Speaker ang maaaring magdikta sa mga kalihim ng Gabinete. Hindi rin nito maaaring diktahan ang mga senador dahil may sarili at independiyenten.

Iginigiit ni Atienza na hindi kayang utusan ng Speaker of the House ang DPWH Secretary. Hindi rin nito kayang diktahan ang DBM o ang Senado. At lalong hindi ito ang nagpa-plano ng proyekto, nagpapa-bid, nag-a-award ng kontrata sa nanalong bidder, nag-iinspeksyon o naglalabas ng pondo.

Ang pagpipilit na si Romualdez ang mastermind ay nangangahulugang dapat paniwalaan ng publiko na may isang tao na nagpapatakbo sa bawat yugto ng proseso mula sa paghahanda ng badyet hanggang sa pagpapatupad ng proyekto at paglalabas ng pondo.

Ang gustong palabasin ng iba, parang iisang tao ang may hawak ng buong gobyerno. Hindi po ganoon ang ating Konstitusyon.

“Kung may mga iregularidad man sa alinmang proyektong pang-imprastraktura, dapat kilalanin at panagutin ang mga taong tunay na may legal at operational na awtoridad. Ang pananagutan ay dapat sumunod sa ebidensya—hindi sa pulitikal na interes.

Kung may nagkasala, papanagutin natin. Pero huwag nating gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lang may maipakita sa publiko,” sabi pa ni Atty. Atienza.