Calendar
House prosecution handa na sa pagbubukas ng impeachment trial ni VP Sara
IPINAHAYAG ni House impeachment prosecutor at Manila (3rd District ) Rep. Joel Chua nitong Sabado na “tapos na ang mahabang paghihintay” dahil magsisimula na sa Lunes ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte sa Senado.
Aniya, handa na ang prosecution panel na iharap ang kanilang kaso sa sambayanang Pilipino.
“Ang mahabang paghihintay ay tapos na. Sa Lunes ay inaasahan po nating magsisimula na ang trial na matagal nang inaantay ng ating mga kababayan,” sinabi ni Chua sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis alas-2 ng hapon sa Hulyo 6 sa harap ng Senado na uupo bilang impeachment court.
Ayon kay Chua, inaasahang magbubukas ang paglilitis sa pamamagitan ng opening statements ng prosecution at depensa. Pagkatapos nito, maaaring pagdesisyunan ng impeachment court ang apat na nakabinbing mosyon na inihain ng House prosecution panel.
Kabilang sa mga mosyong ito ang paghingi ng pahintulot na gamitin ang Filipino at Ingles sa paglilitis upang mas madaling maunawaan ng publiko ang mga pagdinig; pag-aatas sa magkabilang panig na ipaalam sa isa’t isa ang kanilang mga testigo nang hindi bababa sa tatlong araw bago tumestigo ang mga ito; pagpapahintulot sa kapwa mga pampubliko at pribadong prosecutor na magsiyasat at magtanong sa mga testigo; at pagresolba sa usapin ng nakasegelyong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Mayroon po tayong apat na motions na nakahain na inaasahan po natin na sa Lunes ay mareresolba na,” ani Chua.
Iginiit ng House prosecution na ang paggamit ng Filipino kasabay ng Ingles ay makatutulong upang mas maraming Pilipino ang makaunawa sa mga paglilitis sa impeachment. Naniniwala rin silang mas maipapakita nila nang epektibo ang kanilang kaso kung parehong papayagang magsiyasat ng mga testigo ang mga pampubliko at pribadong prosecutor.
Hinihiling din ng prosecution sa impeachment court na magpasya sa pagbubukas ng nakasegelyong kahon ng BIR, na nanatiling hindi nabubuksan sa panahon ng pre-trial proceedings matapos sabihin ng mga opisyal ng Senado na ang impeachment court lamang—at hindi ang clerk of court—ang may kapangyarihang magpasya ukol dito.
Ang nakasegelyong kahon ng BIR ay naglalaman ng mga income tax return at iba pang kaugnay na rekord sa buwis na nakuha ng House Committee on Justice sa pamamagitan ng subpoena na inilabas sa panahon ng impeachment inquiry.
Ayon sa mga prosecutor, mahalaga ang mga dokumentong ito sa mga paratang ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte na nakasaad sa Articles of Impeachment. Hinihiling nilang mabuksan ang kahon at mamarkahan bilang ebidensya ang mga laman nito sa panahon ng paglilitis.
Ang impeachment trial ay kasunod ng ilang araw ng pre-trial proceedings kung saan minarkahan ng mga prosecutor at abogado ng depensa ang mga dokumentaryong ebidensya at tinalakay ang mga isyung pang-proseso bilang paghahanda sa pormal na presentasyon ng mga ebidensya.
Na-impeach si Pangalawang Pangulong Duterte ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Mayo at haharap sa paglilitis kaugnay ng mga alegasyon na kinabibilangan ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Department of Education, at mga banta laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa.

