Dino de Leon

Bantay Senado: Di pagdalo ni VP Sara kawalang-galang sa proseso ng impeachment

57 Views

SINABI ni Abogado Dino de Leon ng civic initiative na Bantay Senado nitong Sabado na dapat personal na dumalo si Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte sa kanyang impeachment trial.

Aniya, ang hindi pagharap ng bise presidente sa Senado bilang impeachment court ay maituturing na kawalang-galang sa prosesong itinatadhana ng Konstitusyon.

“Sa aming palagay, the mere fact na hindi siya a-attend is again a disrespect to the process. Respetuhin natin ang proseso, respetuhin natin ang Saligang Batas,” ani De Leon sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Ayon kay De Leon, nasa pagpapasya pa rin ni Duterte kung siya ay personal na haharap o hindi, ngunit iginiit niyang hindi lamang ang Senado bilang impeachment court ang hahatulan ng taumbayan, kundi maging ang respondent batay sa magiging takbo ng paglilitis.

“Habang we appreciate that the decision belongs to her, it does not mean that we like the decision. Tayo ang huhusga ultimately. Ang Senado ay huhusgahan ng taumbayan. Ang respondent ay huhusgahan din ng taumbayan,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni House legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na pinahihintulutan ng mga tuntunin sa impeachment si Duterte na personal na humarap o kaya’y katawanin ng kanyang abogado sa paglilitis.

“Kinikilala namin ang sentimyento ng publiko na nais nilang marinig mismo ang kanyang panig, personal niyang tugunan ang mga alegasyon laban sa kanya, at humarap sa impeachment court. Ngunit kailangan din nating igalang ang mga patakaran na nagbibigay sa kanya ng opsyon na humarap nang personal o sa pamamagitan ng kanyang abogado. Kaya sa huli, nasa kanya ang pasya, kasama ang payo ng kanyang legal na kinatawan. Ipinauubaya namin iyon sa kanya,” ani Tolosa.

Nang tanungin kung mas nais ng prosecution na personal na dumalo si Duterte, sinabi ni Tolosa na hindi nito mababago ang paraan ng House prosecution sa paglalahad ng kanilang kaso.

“Oo naman, makabubuti kung personal siyang haharap. Ngunit sa huli, hindi nito maaapektuhan kung paano namin ihaharap o patutunayan ang aming kaso. Ihaharap pa rin namin ang aming mga ebidensya at tatawagin ang lahat ng aming mga testigo, naroon man siya o wala,” aniya.

Nakatakdang magsimula sa Lunes, Hulyo 6, ang impeachment trial ni Duterte sa Senado. Ayon sa mga tuntunin ng impeachment, maaaring personal na humarap ang respondent o katawanin ng kanyang abogado sa buong proseso ng paglilitis.