Luistro

Mag-alay tayo ng panalangin–Luistro

Mar Rodriguez Jul 4, 2026
68 Views

NANANAWAGAN si Batangas Rep. Gerville Luistro para sa pag-aalay ng panalangin para sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.

Ang panawagan ni Luistro ay kaugnay sa ginanap na misa na may temang “Misa para sa Katotohanan, Katarungan at Pananagutan sa Chapel of the Nativity of the Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City.

Nagtipon ang mga klerikong Katoliko upang mag-alay ng dasal para sa mga miyembro ng House prosecution panel bago magsimula ang paglilitis sa darating na Hulyo 6.

“Sana po ay sumama kayo sa aming paglakad. Sana po ay makisali kayo sa amin. Sana po ay samahan ninyo kami hanggang sa matapos ang impeachment trial na ito,” pahayag pa ni Luistro.

Dumalo rin sa Misa ang mga impeachment prosecutor na sina Reps. Leila de Lima, Lorenz Defensor, Joel Chua, Ysabel Maria Zamora, at Kaka Bag-ao kasama na rin ang mga private prosecutor na sina Atty. Lorna Kapunan at Atty. Marforth Fua.

Kinilala rin ni Luistro ang mga limitasyon ng prosecution panel ngunit sinabing ang mga dasal at suporta ng mga Pilipino ang magpapatatag sa kanila sa buong proseso.

Hinikayat din ng kongresista ang mga Pilipino na ipagdasal hindi lamang ang mga House prosecutor kundi maging ang defense panel, ang mga senator-judges at ang buong bansa.

“Ipagdasal din po natin ang defense team. Ipagdasal din natin ang mga senador-hudisya. Ipagdasal natin ang buong bansang Pilipinas,” sabi ni Luistro.