Gatchalian: Paghahanda sa VP Sara trial tuloy sa kabila ng Cayetano SC petition

41 Views

TULOY ang paghahanda sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6 sa kabila ng nakabinbin na petisyon sa Supreme Court ng kampo ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na kumukuwestiyon sa bisa ng June 3 session ng Senado, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

“This is not about the Senate Presidency. This is about Constitutional order. It is about the numbers, but it is also about the moral boundaries and the law. Ano ba ang ‘majority of all members’?” sabi ni Cayetano.

Nagbabala si Cayetano na maaaring maapektuhan ang pagiging patas ng impeachment trial kung hindi malulutas ng Supreme Court ang sigalot bago magsimula ang proceedings.

Gayunman, hindi mapipigil ng nakabinbing petisyon ang paghahanda ng Senate impeachment court para sa pagbubukas ng trial sa Lunes.

Ayon kay Gatchalian, inaayos ng Senate impeachment court ang physical at security arrangements para sa trial at nakapaglabas na ito ng guidelines sa seguridad, media movement at galaw ng mga senator-judge.

Sinimulan ng i-post ng Senado sa website nito ang mga dokumento ng impeachment court, kabilang ang pre-trial orders at iba pang pre-trial materials, bilang bahagi ng transparency.

Kailangang balansehin ng Senado ang impeachment trial at ang regular legislative work nito kapag nagbukas na ang regular session, habang maaari namang magpatuloy sa ngayon ang mga committee hearing.

Ayon kay Gatchalian, inaasahang magsasagawa ang Senado ng regular legislative session at magko-convene bilang impeachment court ng alas-3:00 ng hapon.

“If you look at the activity, morning nagde-debate ka ng bills, hapon nag-impeachment court, and then on other days may hearings. Kaya medyo amenado ako na magiging matrabaho para sa ating senador,” dagdag niya.

Maaari pa ring magdaos ng committee hearings ang mga senador sa umaga para sa mahahalagang panukala o imbestigasyon.

“So kung may senador tayo gusto mag-hearing in the morning because importante ang kanilang bills o meron silang investigations na gagawin in the morning, pwede nilang gawin yan. Allowed yan under our rules,” sinabi niya.

Ayon kay Gatchalian, kailangan ding paghandaan ng Senado ang budget season sa Agosto at ang pag-usad ng mga priority bill, kabilang ang mga panukalang nasa Legislative-Executive Development Advisory Council.

Handa na ang impeachment court para sa pagbubukas sa Lunes, bagama’t wala pang testigo o ebidensyang ipiprisinta sa unang araw.

Malinaw sa rules na ang Senate President ang magiging presiding officer ng impeachment trial maliban kung iba ang pasya ng majority.