Calendar
Source: File photo
Bangkay ng 7-anyos na inabot saranggola, nahulog sa creek nakita na
MATAPOS ang mahigit 12 oras na paghahanap, natagpuan na ang bangkay ng pitong gulang na batang lalaki na nadulas at inanod sa creek habang kinukuha ang sumabit na tali ng kanyang saranggola sa Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa report natagpuang ang bangkay nang bata na nakasabit sa tambak ng basura sa San Juan River sa Barangay Apolonio Samson bandang alas-6:00 ng umaga nitong Martes.
Sa imbestigasyon ng QCPD, naglalaro ng saranggola ang bata nitong Lunes ng gabi nang malaglag ang tali nito sa ilog. Habang sinusubukan niya itong kunin, nadulas siya at nahulog sa Dario River. Nangyari umano ang insidente sa kasagsagan ng lakas ng ulan.
Ayon sa mga saksi, nakakapit pa umano ang bata sa isang maliit na puno at humihingi ng saklolo, ngunit mabilis siyang tinangay ng malakas na agos. Tinangka pa siyang sagipin ng mga kapitbahay ngunit nabigo ang mga ito.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard, Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection at mga opisyal ng barangay. Gayunman, nahirapan ang mga rescuer dahil sa malakas na agos at pagtaas ng tubig dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, matagal nang sira ang riprap sa lugar na pinangyarihan ng insidente dahil sa nakaraang bagyo at nakatakda pa lamang itong maisailalim sa rehabilitasyon.

