Calendar
Mag-asawang turista dinampot ng BI sa pagpapatakbo ng resort sa Siargao
INARESTO ng mga Bureau of Immigration (BI) agents ang isang New Zealand national at isa pang Swiss national dahil sa umano’y ilegal na pagpapatakbo ng resort sa Siargao gamit lang ang tourist visa noong Hulyo 1.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga suspek na sina Teryn Jane Spencer, 41, mula New Zealand, at Dario Salvatore Di Capua, 38, mula Switzerland.
Isinagawa ng mga operatiba ng BI Intelligence Division-Mindanao Regional Intelligence Operations Unit ang operasyon sa resort sa San Isidro, Siargao, Surigao del Norte matapos makatanggap ng impormasyon na ang mag-asawa ay personal na namamahala sa homestay at café ng walang kaukulang work visa o permit.
Bagama’t iginiit ng mag-asawa na sila ay investors lamang, natuklasan ng BI na sila mismo ang direktang namamahala sa operasyon ng establisyemento habang nananatili sa bansa bilang temporary visitors.
Ayon kay Commissioner Viado: “Ang tourist visa ay hindi lisensya upang magtrabaho o magpatakbo ng negosyo sa Pilipinas. Tinatanggap natin ang mga dayuhang bumibisita nang may paggalang sa ating mga batas, ngunit ang mga umaabuso sa pribilehiyo ng kanilang pananatili sa pamamagitan ng ilegal na trabaho o negosyo ay aarestuhin, ide-deport, at pagbabawalan nang makabalik. Walang sinuman ang exempted sa ating immigration laws.”
Ang mag-asawa ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BI at sasailalim sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili bilang temporary visitors.

