Calendar
Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni ex-Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez
Fajardo: Bonoan maaaring ‘mapilit’ idawit Romualdez sa flood control anomaly


MAAARING ma-pressure si dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan na idawit si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng umano’y flood control scam.
Ito ang posibilidad na inihayag ni Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ng kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte, na nagsabing hindi nagsalita si Bonoan laban kay Romualdez sa loob ng mahigit isang taon mula nang mabunyag ang umano’y anomalya noong Hulyo 2025.
Sa panayam sa programang Dos for Dos ng dzRH na pinangungunahan nina Anthony Taberna at Gerry Baja, sinabi ni Fajardo na wala umanong naipakitang ebidensya ang mga nag-aakusa laban sa dating pinuno ng Kamara.
Aniya, pawang mga walang batayang kuwento lamang ang mga paratang laban sa kongresista ng Leyte.
“Wala po talagang ebidensya, kasi wala talagang kinalaman si dating Speaker dito sa flood control anomaly. Kapag ganyan po, walang ebidensya pero marami nang sinasabi ang mga kinauukulan na malakas ang kaso, medyo ang dating sa amin ay bola lamang iyan dahil hanggang ngayon wala pang naisasampang kaso sa korte, wala pang criminal cases.”
“Ibig sabihin, wala pong ebidensya o kaya naman ay napakalaki ng kakulangan sa ebidensya na hindi iyon mapupunan ng mga kuwento lamang.”
Inulit ni Fajardo na nababahala at nagugulat sila sa mga ulat na umano’y balak gamitin ng Ombudsman si Bonoan upang idiin si Romualdez, gayong ang dating kalihim ng DPWH at iba pang opisyal ng departamento na sumailalim sa imbestigasyon ay hindi naman umano nag-uugnay sa dating Speaker sa isyu ng flood control scam.
Sinabi rin niya na dumaranas ngayon ng matinding pressure si Bonoan dahil nasa hospital arrest ito at maaari umanong ilipat sa regular na piitan kapag pinayagan na ng mga doktor.
“Kaya nakapagtataka po. Kasi ngayon, siyempre, nasa hospital arrest siya. May posibilidad na kapag na-clear siya medically ay ilipat siya sa regular na kulungan. Siyempre, malaking pressure po iyon.”
“Sa tingin ko ay mahigit 80 taong gulang na siya. Sabihin na nating nasa dapithapon na siya ng kanyang buhay. Kaya natural lamang na marami siyang iniisip.”
Ayon pa kay Fajardo, hindi malayong hilingin kay Bonoan na punan ang malaking kakulangan sa ebidensya laban sa kanyang kliyente, na inilarawan niyang kasinlawak ng “dalawang batis o dalawang ilog.”
“Kaya hindi kami nagtataka. Dahil nga wala, sabi ko nga, parang dalawang batis ng isang napakalawak na ilog ang pagitan na hindi mapupunan ng ebidensya kaya susubukan itong tulayan sa kung anu-anong paraan. Sa kasong ito, bigla na lamang parang nagkaroon ng perpektong alaala si Sec. Bonoan kung totoo man ang balitang siya ay tetestigo para lamang ituro si dating Speaker Romualdez.”
Nang tanungin kung sinasabi ba niyang minamanipula si Bonoan, sinabi ni Fajardo na wala siyang matibay na batayan upang sabihin iyon, ngunit maraming posibilidad batay sa kasalukuyang kalagayan ng dating kalihim ng DPWH.
“Hindi namin alam iyan bilang isang katotohanan. Pero siyempre, bilang mga taong nag-iisip, hindi malayong maraming salik ang pumapasok sa isip ni Sec. Bonoan.”
Itinanong din ni Fajardo kung bakit ngayon lamang umano magsasalita si Bonoan gayong mahigit isang taon na ang lumipas mula nang pumutok ang iskandalo.
Ayon sa kanya, ito ang dahilan kung bakit hindi masisisi ang kampo ni Romualdez kung iniisip nilang maaaring may pagtatangkang lumikha ng ebidensya upang iugnay ang dating Speaker sa umano’y flood control scam.
“Kung noon pa man pala ay alam na niya ang lahat ng ito, bakit hindi niya ito isiniwalat? At bakit ngayon lamang ito lumalabas na tila walang usad ang fact-finding investigation? Kaya hindi kami masisisi kung nagtatanong kami kung bakit nagkakaganoon.”
Muli ring iginiit ni Fajardo na wala pang isinasagawang pormal na imbestigasyon laban sa kongresista ng Leyte at na ang kasalukuyang ginagawa ng Office of the Ombudsman, batay sa mga ulat, ay isang fact-finding investigation pa lamang na hindi pa umaabot sa preliminary investigation.
“Wala pa po. Ang aktuwal na subpoena ay lalabas lamang kapag nagsimula na ang preliminary investigation at hihingan ka na ng counter-affidavit o depensa. Sa ngayon, wala pa kaming kaalaman na naglabas na ng ganoong subpoena ang Ombudsman. At handa naman kaming tumugon sakaling maglabas sila ng subpoena.”

