Gatchalian

Pagpapaikli sa impeachment trial ni VP Sara pinag-aaralan ng Senado

37 Views

PINAG-aaralan ng Senado kung paano mapapaikli ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos abutin ng unang linggo ang pagdinig sa unang testigo ng prosekusyon, sabi ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, inaasahan sana ng impeachment court na matatapos ang unang testigo noong Martes at makakapagpatuloy sa ikalawang testigo noong Miyerkules, ngunit humaba ang mga debate, pagtutol at pagtatanong sa pagdinig.

“Pangatlong araw out of the 90 plus days. Dahil nasabi ko nga 8 months ang estimated trial months nakikita namin dahil almost 90 trial days pag iipunin ang lahat.

At isang testigo pa lang ang natapos namin sa unang linggo. Kaya pinag-aaralan din namin kung paano paiksiin at of course nakikipagkonsulta kami sa prosecution and defense kung paano pa paiksiin itong impeachment proceedings,” ayon sa senador.

Layunin nilang matapos ang paglilitis nang mabilis, maayos at walang pinapanigan.

Ang unang testigo ay si NBI agent John Mark Calilung, na tumestigo tungkol sa paghawak at authentication ng video evidence na kaugnay ng mga umano’y banta ni Duterte laban kina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Maaari ring tumagal ang susunod na testigo dahil inaasahang may kinalaman ito sa usaping forensic.

Ayon sa kanya, kakausapin ng Senado ang magkabilang panig upang matukoy kung paano mapapabilis ang takbo ng paglilitis.

“Kaya makikipag-usap kami sa prosecution and defense at titignan natin kung paano pa paiksiin at pabilisin itong takbo ng impeachment,” sinabi niya.

Nang tanungin tungkol sa sunod-sunod na pagtutol sa unang mga araw ng trial, sinabi ni Gatchalian na bahagi ito ng trial strategy at maaaring mabawasan habang nagpapatuloy ang paglilitis.

“Strategy yan,” ani Gatchalian.

Nagsilbing adjustment period ang unang linggo para sa mga senator-judge, prosecutor at abogado ng depensa, ayon sa senador.

Ayon sa kanya, dapat itanong ang mahahalagang punto sa tamang oras, matapos mailatag ang angkop na ebidensya.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na naging maayos at mapayapa ang unang linggo ng trial, at nananatiling nakatuon ang Senado sa due process sa pamamagitan ng pagbibigay sa prosekusyon at depensa ng sapat na pagkakataong iharap ang kanilang panig.

Ang pagbabantay ng publiko sa trial ay paalala na hindi ito basta usaping pulitika.