Calendar
Lacson iginiit ang forensic tools sa pagpapatunay ng digital evidence sa VP Sara trial
SINABI ni Sen.-Judge Panfilo “Ping” Lacson na mahalaga ang tamang paghawak at paggamit ng forensic tools sa pagpapatunay ng digital evidence, habang sinuri sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang isang online video sa gitna ng mga pangamba sa artificial intelligence.
Itinaas ni Lacson ang usapin sa pagtatanong kay NBI Senior Agent John Mark Calilung, na tumestigo tungkol sa paghawak at authentication ng recording ng online press conference ni Duterte na kaugnay ng mga umano’y banta nito laban kina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
“I’m not here to question the authenticity, I just want to be assured dahil sabi ko nga kanina pagka sa AI napakahirap talaga almost impossible to distinguish it from the original video or source,” ani Lacson.
Sinabi ni Calilung sa Senado na hindi AI-generated ang video recording ng press conference ng Bise Presidente.
Gumamit si Calilung ng open-source application upang gumawa ng screen recording ng video mula sa Facebook. Pinatunayan niya ang recording sa pamamagitan ng paghahambing nito sa Facebook source at pagkumpirmang magkapareho ang laman.
Sinabi ni Lacson na layunin ng kanyang mga tanong na matiyak na magagamit ang ebidensya sa impeachment court.
“Kaya ko tinanong yan, para additional na magamit sa korte, likewise sa impeachment court,” ani Lacson.
Tinanong din ni Lacson ang tungkol sa original source ng video, mga digital forensic tool na ginamit, at chain of custody sa paghawak ng recording.
Lalong naging mahalaga ang usapin sa proceedings habang sinusuri ng mga senator-judge kung paano pinatunayan ng NBI ang authenticity ng digital evidence sa panahong mas mahirap nang matukoy ang pagkakaiba ng AI-generated o manipulated videos at original recordings.
Hiwalay ding tinanong ni Senator-Judge Joel Villanueva si Calilung tungkol sa paggamit ng Open Broadcaster Software, o OBS, sa imbestigasyon.
Sinabi ni Calilung na ang OBS ay isang open-source program na ginagamit sa livestreaming at screen recording.
Tinanong ni Villanueva kung ang paghahambing ng OBS-generated recording at ng original livestream ay ginawa upang tiyakin ang authenticity. Kinumpirma ni Calilung na ginawa ito “to authenticate” the recording.
Tinanong din ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III si Calilung tungkol sa AI-generated videos na may labels. Sinabi ni Calilung na batid niyang ang AI-generated content ngayon ay maaaring may AI information o labels.
Nilinaw ni Sen.-Judge Alan Peter Cayetano sa proceedings na si Calilung ay competent witness, hindi expert witness, at sinabing maaaring maging mahalaga ang pagkakaibang ito sa testimony kung AI-generated ba ang isang video.
Ipinaliwanag kalaunan ng court officials na bahagi ng proseso ang mahabang pagtatanong sa technical matters upang masuri ang credibility ng testimony at ng witness.
Sinabi nilang kailangang maipakita na hindi naputol ang chain of custody at kailangang maipakita sa presentation ng evidence na walang idinagdag o binawas sa proseso.
Inaasahang magpapatuloy ang impeachment court sa pagdinig sa mga testigo ng prosekusyon sa susunod na linggo.
Itinatanggi ni Duterte ang mga alegasyon, habang kinukuwestiyon ng kanyang depensa ang proceedings.

