Ortega

Mga lider ng Kamara nagkibit-balikat sa pahayag ni Lopez tungkol sa ‘Bagyong Inday’

27 Views

NAGKIBIT-BALIKAT noong Huwebes ang mga lider ng Kamara de Representantes sa pahayag ng dating chief of staff ng Office of the Vice President na si Zuleika Lopez na hinikayat ang publiko na “maghanda sa Bagyong Inday” bago ang nakatakda niyang pagtestigo sa paglilitis sa impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.

Binitiwan ni Lopez ang naturang pahayag sa isang ambush interview sa Senado, kung saan inaasahan siyang haharap bilang isa sa mga testigo ng House prosecution sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa susunod na linggo.

Nang hingan ng reaksiyon sa isang press briefing, sumagot si Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union sa pamamagitan ng isang sarkastikong biro at sinabing ang kabilang panig ang dapat na maghanda.

“Oo, maghanda rin sila kasi usually ‘pag bagyo wala sila. Kaya baka maghanda rin po sila. Nakahanda naman po kaming lahat,” ani Ortega.

Samantala, tumanggi namang bigyan ng ibang kahulugan ni impeachment prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora ang pahayag ni Lopez at sinabi niyang literal lamang niya itong tinitingnan.

“Totoo naman pong may Bagyong Inday, so maghanda po tayo para sa bagyo,” ani Zamora, na isa ring assistant majority leader ng Kamara.

Nakatakdang ipagpatuloy ng House prosecution ang paglalatag ng kanilang mga ebidensya sa Lunes sa pamamagitan ng testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.

Inaasahan namang haharap si Lopez sa witness stand sa huling bahagi ng linggo upang tumestigo kaugnay ng Ikaapat na Artikulo ng Impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng paggawa ng matitinding pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Bilang dating chief of staff ni Duterte, inaasahang magbibigay si Lopez ng testimonya tungkol sa mga bagay na personal niyang nalalaman at may kaugnayan sa mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon para sa naturang sakdal.

Ang pahayag niyang “Bagyong Inday” ay lumabas din sa gitna ng mga espekulasyong maaaring muling dumalo si Duterte sa Senado sa mga pagdinig sa susunod na linggo.

Nagtungo ang Pangalawang Pangulo sa Senado noong ikalawang araw ng paglilitis upang makipagpulong sa kanyang mga abogado, ngunit hindi siya humarap sa Senate impeachment court habang ipinagpapatuloy ng House prosecution ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Bagyong Inday, na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong linggo bilang isang super typhoon, ay humina at naging isang typhoon noong Huwebes habang patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran sa ibabaw ng Philippine Sea.

Sa kabila ng paghina nito, nagbabala ang PAGASA na maaari pa ring magdulot ang bagyo at ang pinaigting na southwest monsoon o habagat ng malalakas na hangin, maalong karagatan, at malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.