Calendar
Bagyong Inday lumabas na ng PAR

TULUYAN nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Inday (international name: Bavi) alas-8:00 ng umaga nitong Sabado, Hulyo 11, ayon sa DOST-PAGASA.
Sa kabila nito, nananatiling umiiral ang banta ng malalakas na pag-ulan sa maraming lugar sa bansa dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o habagat.
Sa inilabas na Weather Advisory No. 20, sinabi ng PAGASA na inaasahang makakaranas ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan ang Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro mula ngayong araw hanggang tanghali ng Linggo, Hulyo 12.
Nasa 50 hanggang 100 millimeters naman ng ulan ang inaasahan sa La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Marinduque, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental sa parehong panahon.
Mula naman Linggo hanggang tanghali ng Lunes (Hulyo 13), mananatili ang banta ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, habang 50 hanggang 100 millimeters ang posibleng maranasan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Antique, at Aklan.
Pagsapit naman ng Lunes hanggang tanghali ng Martes (Hulyo 14), inaasahang 100 hanggang 200 millimeters ng ulan ang mararanasan sa Zambales, habang 50 hanggang 100 millimeters naman ang posibleng bumuhos sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Bataan, Pampanga, at Occidental Mindoro.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring mas mataas pa ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Posible ring lumala ang epekto ng pag-ulan sa mga lugar na nakaranas na ng matinding pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Pinayuhan ng ahensya ang mga lokal na disaster risk reduction and management offices at ang publiko na magpatuloy sa pagbabantay sa mga opisyal na weather advisories at magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Ipinaalala rin ng PAGASA na para sa mga desisyong may kinalaman sa suspensyon ng klase at agarang pagtugon sa banta ng pagbaha, dapat sundin ang Heavy Rainfall Warnings na inilalabas ng mga regional office nito dahil mas detalyado at nakabatay ito sa real-time Doppler radar monitoring kumpara sa mas malawak na saklaw ng Weather Advisories.

