Garin1

Garin rumesbak sa pambu-bully ng DDS

Mar Rodriguez Jul 11, 2026
28 Views

HINDI pinalampas ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette L. Garin ang pambu-bully ng mga die hard supporters ni Vice President Sara Duterte laban sa mga miyembro ng House prosecution team.

Kinondena niya ang pambu-bully ng Die Hard Duterte Supporters (DDS) laban sa mga prosecutors kasunod ang panghihimok nito sa mamamayang Pilipino na tutukan ang pagdinig sa impeachment case ni Duterte.

Dahil dito, iginigiit ni Garin na dapat nakatuon ang publiko sa mga ebidensya at hindi sa personal na pang-iinsulto.

Nagsimula ang mga batikos matapos kumalat sa social media ang mga post at meme kasunod ng unang linggo ng paglilitis. Pinagtawanan ng ilang tagasuporta ni Duterte si lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro dahil sa nakitang laway habang binibigkas ang opening statement ng prosekusyon.

Sinabi ni Iloilo solon na nagpapakita ang mga naturang pag-atake ng pagbagsak ng antas ng pampublikong diskurso at wala itong batayang medikal o siyentipiko.

“Unang una, ikinagugulat ko bakit ba tayo pumupunta sa ganung kababa ng discourse?” pahayag ni Garin.

Ipinaliwanag pa ni Garin na normal na pisyolohikal na kondisyon ang pagkakaroon ng laway at panunuyo ng bibig, na maaaring dulot ng dehydration, matagal na pagsasalita o pag-inom ng ilang maintenance medicines.

“Saliva is part of a normal person. At kapag medyo nade-dehydrate ka, o ikaw ay umiinom ng maintenance medications, kaakibat nito ay talagang medyo nagkakaroon ng dryness. Normal ba ito? Yes! So why focus on that?” aniya.

Pinabulaanan din ni Garin ang mga kumakalat na pahayag online na ang pagkakaroon ng laway o sipon ay palatandaan ng pagsisinungaling.

“Never in the history of the medical community has colds or sipon been a cause of lying,” ani Garin.

Ayon kay Garin, inililihis lamang ng mga ganitong pag-atake ang atensyon ng publiko mula sa tunay na mga isyung dinidinig ng Senate impeachment court.

Inilarawan ng kongresista ang pangungutya online bilang isang uri ng bullying at iginiit na ginagawa lamang ng prosecution panel ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.

“Hindi! Kailangan bang pagtawanan ’yan? No! It’s actually bullying. The prosecutors are just doing their job,” aniya.

Hinimok din niya ang publiko na tigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at ituon ang talakayan sa mismong merito ng impeachment case.

“Andyan na ’yung impeachment court. Ipagpatuloy, tuldukan at sagutin ang mga dapat sagutin. Huwag ilihis. Let us avoid personal attacks. Let us focus on the issue at hand,” ani Garin.