Delima1

Di na pinagtatalunan ang pagiging tunay ng video ng banta ni VP Sara — House prosecution

42 Views

IGINIIT ng House prosecution nitong Sabado na hindi na pinagtatalunan ang pagiging tunay ng video recording na sentro ng kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte, matapos umanong gamitin mismo ng depensa ang mga bahagi ng naturang video sa kanilang cross-examination.

Ayon kay Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, naniniwala ang prosekusyon na tuluyan nang nalinaw ang usapin hinggil sa pagiging tunay ng video matapos itong gamitin ng depensa sa pagtatanong kay National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung, ang unang testigo ng prosekusyon.

“Para sa amin sa prosecution, wala nang debate diyan. Parang ipinapakita nila na authentic ito. Bakit sila magpapakita ng mga bahagi ng parehong video kung hindi sila naniniwala na ito ay authentic?,” ani De Lima sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Gayunman, nilinaw niya na nasa Senado, na nagsisilbing impeachment court, ang pinal na pagpapasya sa bigat at pagtanggap sa mga ebidensya.

“Ngunit hindi na ako maaaring magsabi pa tungkol diyan dahil papasok na iyon sa merito ng kaso,” aniya.

Nagpatotoo si Calilung sa unang linggo ng paglilitis sa impeachment upang patunayan ang pagiging tunay ng mga video recording kung saan umano’y nagbanta si Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sinabi ni De Lima na maingat na ipinaliwanag ng ahente ng NBI ang proseso ng authentication sa kanyang direct examination, at nanatiling matatag ang kanyang testimonya sa kabila ng masusing pagtatanong ng depensa.

“Wala namang nabasag o nabutas na anumang bahagi ng testimonya ni Agent Calilung kahit sumailalim ito sa matinding pagsubok ng cross-examination, dahil ang cross-examination ay isang stress test. At kapag hindi bumibigay ang ebidensya, lalo pa itong tumitibay matapos ang cross-examination.”

Sinuportahan ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita at tagapayo ng House prosecution panel, ang pahayag ni De Lima at sinabing hindi kailanman pinabulaanan ng depensa ang pagiging tunay ng naturang video.

“Sinabi naman ng kabilang panig na hindi nila ni-rebut o dinebunk ang authenticity ng video na ito. Sa katunayan, ginamit pa nila ito sa kanilang pagko-cross sa aming witness,” ani Barbers.

“At ito pa lamang ay nagpapakita na authentic ang video dahil iisang video lamang ang pinag-uusapan at iisang video rin ang kanilang ginamit,” dagdag niya.

Sinabi ni Barbers na ang mga susunod na testigo ay magbibigay pa ng mas malinaw na paliwanag hinggil sa mga na-authenticate na video recording at sa mga resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na sumusuporta sa Artikulo IV ng reklamo sa impeachment.