Just In

Calendar

July 2026
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
House

16-botong impeachment threshold nais linawin ni Lacson

31 Views

SINABI Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat linawin habang nasa maagang yugto pa ang impeachment trial ang 16-botong kailangan upang mahatulan si Vice President Sara Duterte, dahil maaaring maging komplikado ang paglilitis kung pagkatapos lamang ng paghatol kukuwestiyunin ang usapin.

Ayon kay Lacson, sang-ayon siya na kailangan ang two-thirds ng buong 24 na miyembro ng Senado, o 16 na boto, para sa conviction. Nais niyang malinaw kung ang bilang na binanggit ni impeachment court presiding officer Senador Francis “Chiz” Escudero ay personal na posisyon nito o isa nang ruling ng hukuman.

“Hindi ko kini-question ’yung 16 na threshold,” ani Lacson.

Sinabi niyang binanggit ni Escudero sa kanyang opening statement ang 16-botong kailangan kaya tinanong niya kung dapat na ba itong ituring na ruling ng impeachment court.

“Statement ni SP, ruling ng impeachment court o sarili ninyong opinion?” dagdag niya.

Ayon kay Lacson, mahalaga ang pagkakaiba dahil maaaring kuwestiyunin sa Supreme Court ang isang pormal na ruling.

“Kung sakaling meron gustong mag-question, meron silang karapatan na mag-question kasi may controversy na, may justiciable issue na dahil ruling ng impeachment court siya,” aniya sa panayam sa DZMM.

Hinihingi ng Konstitusyon ang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang mahatulan ang isang impeached official.

Sinabi ni Lacson na nananatiling miyembro ng kapulungan ang mga senador na nakakulong, lumiban o nagkasakit hangga’t hindi nababakante ang kanilang puwesto.

“Dapat two-thirds, two-thirds ng 24. At ako, ganoon din ang aking pananaw kasi hanggang ngayon member pa naman sila kasi pag sinabing all members of the Senate, that’s 24,” aniya.

Sinabi niyang maaaring dumulog sa Supreme Court ang sinumang may interes upang linawin ang threshold at ang kahulugan ng probisyon ng Konstitusyon.

“So it’s up to kung sino man ang interesado para linawin o kuwestiyunin sa SC ang threshold na bilang. Karapatan nila ’yan at karapatan din ng SC na i-interpret ang ating Saligang Batas,” aniya.

Nagbabala si Lacson na maaaring maging magulo ang proseso kung gagamit ang impeachment court ng mas mababang threshold at baligtarin ito kalaunan ng Supreme Court.

“At pagkatapos may mag-raise ng issue sa SC at i-reverse, ’yan ang messy,” aniya.

“Kaya para sa akin, mas mainam na maaga pa lamang, mag-settle na ito,” dagdag niya.

Nagbigay rin si Lacson ng hypothetical na sitwasyon kung saan ang detention, pagkakasakit o pagliban ay mag-iiwan ng 15 senator-judge lamang na makadadalo o makaboboto.

“So mag-trial pa ba kami kung 15 lamang kami sa members ng impeachment court?” tanong niya.

Sinabi ni Lacson na dapat maresolba ang usapin bago umabot sa paghatol ang hukuman upang malinaw sa magkabilang panig, sa mga senator-judge at sa publiko ang bilang ng botong kailangan para sa conviction.