Gatchalian

Senado inilagay online impeachment records ni VP Sara

29 Views

INILAGAY ng Senado sa website nito ang mga dokumento at filing kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang direktang masuri ng publiko ang opisyal na records sa halip na umasa lamang sa mga post sa social media.

Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na layunin ng online archive na gawing bukas ang paglilitis at bigyan ang mga Pilipino ng direktang access sa mga materyal na isinusumite sa impeachment court.

“Sisiguraduhin natin na lahat ng dokumento at ebidensya ay makikita ng publiko dahil naka-upload na ang mga ito sa Senate website,” ani Gatchalian.

Aniya, makatutulong ang access sa mga records upang masundan ng mamamayan ang kaso at masuri mismo ang takbo ng paglilitis.

“We invite the public to scrutinize, read, and understand the proceedings for themselves. We realize that while we, at the upper chamber, sit as senator-judges, the ultimate judges of this impeachment proceeding are the Filipino people,” aniya.

Sinabi ni Gatchalian na inatasan niya ang Senate Secretariat na tiyaking may sapat na resources upang agad na mai-upload ang mga dokumento at filing habang inihaharap ang mga ito sa paglilitis.

Inilalagay ang mga records sa isang digital repository sa Senate website bilang bahagi ng mga hakbang ng kapulungan para sa transparency.

Bagama’t tinawag ni Gatchalian ang mamamayang Pilipino na “ultimate judges” ng proceedings, ang mga senator-judge ang pormal na magpapasya kung mahahatulan o mapapawalang-sala si Duterte sa mga articles of impeachment laban sa kanya.