Ipatupad na po sana tass pasahe–hiling ng transport groups kay PBBM

Jun I Legaspi Jul 12, 2026
33 Views

NANAWAGAN ang iba’t-ibang transport groups kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ipatupad na ang taas-pasahe na aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa lahat ng public utility vehicles (PUVs).

Noong Marso, inaprubahan ng LTFRB ang taas-pasahe para sa mga pampasaherong jeep, transport network vehicle services (TNVS), taxi, at pampasaherong bus dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis pero ipinagpaliban ni Pangulong Marcos dahil sa epekto ng digmaan ng Iran at Estados Unidos sa pandaigdigang presyo ng langis.

Sa liham na ipinadala sa Pangulo, hiniling ng hindi bababa sa anim na transport group na ipatupad na ang ipinagpalibang fare increase, lalo na ngayong inanunsyo na ang pagtaas ng minimum wage.

“Kami po, mga lider ng iba’t ibang grupo sa hanay ng pampublikong transportasyon, ay humihingi ng inyong unawa na kailangang-kailangan na namin ang pagtaas ng pamasahe.

Patuloy pa rin ang mataas na presyo ng krudo, ang presyo ng mga bilihin ay patuloy na tumataas, gayundin ang presyo ng mga spare parts. At ngayon, nadagdagan na rin ang minimum wage.

Kami na lamang po ang napag-iiwanan,” sabi ng mga grupo sa sulat.

Nilagdaan ang liham nina Pasang Masda National President Obet Martin, ALTODAP National President Boy Vargas, BUSina National President Marlyn dela Cruz, PGTP Transport Service President Danilo Montales, DELMAROD Transport Cooperative President Melchor Pascual at CAPAODA Transport Cooperative President Luicito Villa.

“Malaking tulong po ang ibinigay na subsidiya at taos-puso namin itong pinasasalamatan. Ngunit pansamantala lamang ito at hindi pa rin sapat para matugunan ang aming pang-araw-araw na gastusin.”

Mr. President, sana po ay mapagbigyan ninyo ang aming hiling. Ipatupad na po natin ang fare adjustment sa pampublikong transportasyong panlupa,” dagdag ng grupo.

Ayon kay PBOAP Executive Director Alex Yague, wala nang dahilan upang ipagpaliban pa ang fare hike ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon.

Bagama’t malaking tulong ang cash assistance at ang P10 kada litrong fuel subsidy, nananatiling mataas ang presyo ng diesel at hindi na ito inaasahang babalik sa dating antas bago ang sigalot sa Middle East.

Binanggit din nina Vargas at Martin ang pag-apruba sa P85 na umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila bilang isa sa mga dahilan upang ipatupad na ang fare hike.

Para sa mga provincial bus operator, sinabi ni Yague na patuloy nilang pinapasan ang mataas na terminal at toll fees, kabilang ang panibagong toll increase noong Hulyo 1.

“Nananawagan kami kay Pangulong BBM at DOTr Secretary Banoy Lopez na isaalang-alang ang pagpapatupad ng fare hike hindi lamang para sa mga provincial bus kundi para rin sa lahat ng aming mga kapatid sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Nauunawaan po namin noon na hindi napapanahon ang pagpapatupad ng fare hike dahil sa nangyayari sa Middle East.

Ngunit ngayon na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon, kami naman po sa sektor ng pampublikong transportasyon ang humihingi ng inyong pang-unawa upang maipatupad na ito,” sabi ni Yague.