Rep. Robert

impeachment trial ay hindi lang pagpapanagot kundi pagbuwag sa kultura ng karahasan — Barbers

Mar Rodriguez Jul 12, 2026
35 Views

SINEGUNDAHAN ni House prosecution team spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers ang pahayag na ang impeachment trial ay hindi lamang ang pagpapanagot kay Vice President Sara Z. Duterte kundi ang paglalansag sa kultura ng galit, karahasan at ang kawalan ng pananagutan na ipinunla ng dating administrasyon.

Nauna ng sinabi nina House prosecutor at Akbayan Party List Rep. Chel Diokno at Mamamayang Liberal Party List (ML) Rep. Leila de Lima na ang impeachment trial ni Duterte ay hindi lamang tungkol sa pagpapanagot sa kanya sa mga inaakusang paglabag. Bagkos, ito rin ay tungkol sa pagbubuwag sa kultura ng karahasan at kawalan ng pananagutan (impunity) na ayon sa kanila ay unti-unting naging normal sa ilalim ng pamumuno ng mga Duterte.

Dahil dito, ipinahayag ni Barbers na ang impeachment proceedings ay pagkakataon upang muling igiit ang pamantayang dapat sundin ng pinakamataas na mga opisyal ng pamahalaan at maiparating ang mensaheng walang puwang ang pagbabanta at marahas na pananalita sa lipunan lalo na sa serbisyo publiko.

Iginiit naman ni De Lima na ang umano’y mabibigat na pagbabanta ng Bise Presidente laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay hindi maaaring tingnan nang hiwalay dahil bahagi umano ito ng mas malawak na padron ng marahas na pananalita.

“Yan ang isa sa mahalagang punto talaga ‘yung asal ng isang napakataas na opisyal ng gobyerno, vice president no less, ang nagpapakita ng ganyang asal. Mga threatening attitude, demeaning attitude, demeaning conduct. Puwede ka bang basta na lang magbanta?” sabi ni De Lima.

Ayon pa kay De Lima, nagharap din ang prosekusyon ng mga na-authenticate na video na nagpapakita ng iba pang mga pahayag ng Bise Presidente, kabilang ang sinabi umano nitong nais niyang pugutan ng ulo ang Pangulo at hukayin ang labi ng ama nito upang itapon sa West Philippine Sea.

“May mga kaugnay ding video na ipinakita noong nakaraang linggo at in-authenticate ni Senior Agent John Mark Calilung, ‘yung sinabi niya na inimagine niyang pupugutan niya ng ulo ang Pangulo, at ‘yung paghuhukay sa bangkay ng ama ng Pangulo at pagtatapon nito sa West Philippine Sea,” ani De Lima.

“‘Yung culture of violence, alam naman ninyo sa pamilya nila, iyon ang kanilang lengguwahe—karahasan,” dagdag pa niya.

Nagbabala si De Lima na ang ganitong mga pahayag, kapag nagmumula sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, ay maaaring makaapekto sa publiko at magbigay ng impresyon na katanggap-tanggap ang marahas na asal.

“Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito ang karakter ng karahasan, at maaari nitong maimpluwensiyahan ang lipunan na isipin na okay lang pala ang magbanta, okay lang pala ang pumatay. Kasi iyan ang ipinakita ng ating Bise Presidente,” aniya.

Ipinahayag naman ni Diokno ang kaparehong pananaw. Kung saan, lalong lumalim ang kultura ng karahasan noong panahon ng kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan naging tila normal na lamang sa kamalayan ng publiko ang libo-libong pagkamatay.

“Sa tingin ko, napakalaki ng naging epekto, lalo na ng war on drugs, sa ating kultura dahil naging normal ang makakita ng dugo sa kalsada. Naging normal na daan-daan hanggang libo-libo ang pinapatay,” ani Diokno.

Dagdag pa nito, dapat ding pag-aralan ng mga sociologist at iba pang eksperto kung may kaugnayan ang pagiging normal ng marahas na pananalita ng mga opisyal ng gobyerno sa pagtaas ng karahasan sa iba pang bahagi ng lipunan, kabilang ang mga paaralan, kung saan dumarami ang mga insidente ng pamamaril at pagbabanta.

“At sa tingin ko, kailangan ding pag-aralan ng ating mga sociologist at iba pang disiplina kung may koneksyon ito sa mga nangyayaring karahasan sa ating mga paaralan. Kung ganoon nga, mas lalo nating kailangang tugunan agad ang problemang ito bago pa ito lumala,” ani Diokno.

To God be the Glory