Pic

Proteksyon online ng mga batang Pinoy inihain sa Senado

36 Views

HALOS siyam sa bawat 10 Filipino internet users na 12 taong gulang ang may social media account, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority na binanggit ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Inilahad ni Gatchalian ang mga numero habang tinatalakay ang minimum age na 13 para sa Facebook users at ang pangangailangan ng wastong paggabay at proteksiyon sa mga batang gumagamit ng digital platforms.

Sinabi niya na 87.64% ng mga internet user na 12 taong gulang ang may social media account. Umabot naman sa 80.76% ang bilang sa mga 11 taong gulang at 72.86% sa mga 10 taong gulang.

Sa mga internet user na 13 taong gulang, 93.72% ang may social media account.

“Alam natin na maraming naidudulot na kabutihan ang teknolohiya. Ngunit may kaakibat din itong mga negatibong epekto sa ating mga kabataan, lalo na kung ang paggamit ng mga gadget at iba pang teknolohiya ay hindi namomonitor at hindi nabibigyan ng wastong gabay,” sinabi ni Gatchalian sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education.

Ang mga porsiyento ay tumutukoy sa Filipino internet users sa bawat pangkat ng edad, hindi sa kabuuang populasyon ng mga batang 10 hanggang 13 taong gulang.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2066 o ang panukalang Social Media Safety for Children Act, na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng social media ng mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 627 o ang panukalang Electronic Gadget-Free Schools Act, na magbabawal sa paggamit ng smartphones at iba pang electronic devices sa oras ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan.