Calendar
Impeachment trial sinusukat kung karapat-dapat si VP Sara na manatili sa puwesto
BINIGYANG linaw ni House prosecution panel spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na ang magiging “ending” ng impeachment trial sakaling mapatunayang “guilty” si Vice President Sara Z. Duterte ay pagtatanggal sa kaniya sa puwesto at hindi ang parusang pagkakakulong.
Iginigiit ni Barbers na ang impeachment trial ni Duterte ay hindi isang kasong kriminal na naglalayong magpataw ng pagkakakulong, kundi isang prosesong itinakda ng Konstitusyon upang alamin kung ang ipinakitang asal at mga ebidensya laban sa isang opisyal ay naaayon pa sa patuloy niyang panunungkulan sa mataas na posisyon sa pamahalaan.
Ayon kay Barbers, mahalagang maunawaan ng publiko ang kaibahan ng impeachment at criminal case, lalo na sa pagtalakay sa Article IV ng Articles of Impeachment.
“Hindi ito parang criminal case kung saan ang elements of the crime ay kailangang mapatunayan sa korte at kapag napatunayan ay makukulong ka,” sabi ni Barbers.
Sa ilalim ng Article XI ng 1987 Constitution, ang hatol sa impeachment ay limitado lamang sa pagpapatalsik sa puwesto at posibleng pagbabawal na muling humawak ng anumang pampublikong posisyon. Nakasaad din sa Konstitusyon na ang isang opisyal na napatalsik sa pamamagitan ng impeachment ay maaari pa ring kasuhan at litisin sa ilalim ng umiiral na batas sa hiwalay na proseso.
Dahil dito, magkaiba ang layunin at magiging resulta ng impeachment at ng isang kasong kriminal.
“Itong impeachment process, walang kulong, kundi ang pagtatanggal lamang sa opisina,” ani Barbers sa isang press conference.
Ipinaliwanag niya na ang tungkulin ng Senado bilang impeachment court ay suriin kung ang mga ebidensyang iniharap ay nagpapakita na karapat-dapat pa bang manatili sa tungkulin ang Bise Presidente at kung nananatili pa ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan.
Nakasaad sa Konstitusyon na ang public office is a public trust, kaya inaasahang mananagot ang mga opisyal ng pamahalaan sa mamamayan. Isa sa mga batayan ng impeachment ay ang betrayal of public trust, bukod sa iba pang grounds para sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Mahistrado ng Korte Suprema, mga miyembro ng constitutional commissions, at Ombudsman.
Ayon kay Barbers, habang mas mataas ang posisyon ng isang opisyal, mas mataas din ang pamantayang dapat niyang sundin.
“Hindi ba dapat kapag mataas ang puwesto mo sa gobyerno, mas mataas ang panuntunan, mas mataas ang standards ng pagiging nasa opisina?” tanong niya.
Sinabi ni Barbers na layunin ng prosekusyon na ipakita kung bakit mahalaga ang mga naitalang pahayag at iba pang ebidensya kaugnay ng tiwalang ibinigay ng publiko sa isang halal na opisyal. Samantala, may karapatan ang depensa na kuwestiyunin ang mga katotohanan, konteksto, legal na kahalagahan, at bigat ng mga ebidensya sa harap ng mga senator-judges.

