Batangas

21 timbog sa Ilegal numbers game sa Tanauan City

44 Views

Batangas1

KULONG ang 21 indibidwal matapos salakayin ng mga awtoridad ang operasyon ng ilegal na “numbers game” sa Barangay Poblacion 5, Tanauan, Batangas, noong Huwebes ng hapon, Hulyo 9.

Ayon sa ulat ni Provincial Director PCol. Oliver B. Ebora, ikinasa ang operasyon bandang alas-2:40 ng hapon,

Pinangunahan ang pagsalakay ng Tanauan Component City Police Station katuwang ang Anti-Illegal Gambling Task Group-Provincial Intelligence Unit (AIG Task Group-S2) at mga kinatawan mula sa Refresh Gaming Corporation (RGC).

Nabatid na aktong naghahati-hati ng perang taya at mga kombinasyon ng numero ng RGC ang mga suspek para ipasa sa operasyong “bookies” nang dambutin ng mga pulis.

Gumamit ng mga body-worn camera ang mga operatiba bilang pagsunod sa opisyal na pamamaraan ng Philippine National Police (PNP).

Narekober ng mga awtoridad ang mga RGC Collection Report Form, ballpen, at mga perang taya na nagkakahalaga ng ₱3,340 sa iba’t ibang denominasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Tanauan City Police Station ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at inihahanda na rin ang pagsasampa sa kanila ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9287 (Anti-Illegal Numbers Games Law) sa Office of the City Prosecutor.