Villar

Villar naghain ng resolusyon para parangalan ang makasaysayang Wimbledon run ni Eala

34 Views

NAGHAIN si Sen. Mark Villar ng resolusyon upang parangalan si Alexandra “Alex” Maniego Eala matapos maging kauna-unahang Pilipino na umabot sa ikaapat na round ng 2026 Wimbledon Championships.

Kinikilala sa Senate Resolution No. 507 ang kampanya ni Eala sa Wimbledon, kabilang ang kanyang panalo sa ikatlong round laban sa defending champion na si Iga Świątek.

“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino,” sinabi ni Villar.

Binanggit din sa resolusyon ang pagkapanalo ni Eala sa 2022 US Open girls’ singles at pagiging unang Pilipino sa Open Era na nanalo sa isang Grand Slam main-draw singles match.

Nanalo na rin ang 21-anyos na manlalaro ng dalawang WTA 125 singles titles at umabot sa career-high world ranking na No. 29.

“Sa bawat panalo ni Alex, mas lalo niyang itinataas ang bandila ng Pilipinas at ipinapakita sa buong mundo ang husay at determinasyon ng atletang Pilipino. Higit sa lahat, pinapaalala niya sa ating mga kabataan na ang tagumpay ay bunga ng sipag, tiyaga, at determinasyon,” sinabi ni Villar.

Pinuri rin ni Villar ang kababaang-loob ni Eala, paggalang sa kanyang mga katunggali at pagmamalaki sa pagkatawan sa Pilipinas.