Tulfo

Tulfo inusisa Operation Romanov source, target

32 Views

MULING inusisa ni Sen.-Judge Raffy Tulfo ang pinagmulan at umano’y pinatutungkulan ng “Operation Romanov,” at inihambing ang paglalarawan dito ng depensa bilang plano laban kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang pamilya sa naunang Romanov reference ng kapatid nitong si Sebastian “Baste” Duterte.

Hindi bababa sa 19 senator-judges ang dumalo kaya nagkaroon ng quorum ang impeachment court.

Inulit ni Tulfo na una niyang narinig ang Romanov reference mula kay Baste Duterte sa isang Maisug gathering noong Enero 2024.

“Nag-start nga sa kanila ang Romanov, sa kapatid ni VP Duterte,” ani Tulfo.

Una nang ibinangon ni Tulfo ang usapin noong Lunes nang tanungin niya si defense counsel Atty. Mark Vinluan tungkol sa manifestation nito na pinagbantaan umano ang Bise Presidente at ang pamilya niya at makatwiran ang naging tugon nito kahit “unconventional.”

Kinumpirma ni Vinluan na tinutukoy niya ang umano’y operasyon na ibinangon ng blogger na si Princess Maui sa online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.

Napansin ni Tulfo na hindi kabilang si Princess Maui sa isinumiteng listahan ng mga testigo ng depensa kaya tinanong niya kung ihaharap ito upang suportahan ang alegasyon.

Sinabi ni Vinluan na magdedesisyon ang depensa kung tatawagin si Princess Maui batay sa mga mapatutunayan ng prosekusyon at sa magiging takbo ng paglilitis.

Nang tanungin kung maghaharap ang depensa ng iba pang testigo upang patunayan ang umano’y banta o Operation Romanov, sumagot si Vinluan:

“Yes, Your Honor. That will be part of our evidence-in-chief.”

Tumanggi siyang tukuyin ang mga posibleng testigo. Naitala sa pagdinig noong Lunes ang pangako ng depensa na maghaharap ito ng ebidensiya tungkol sa umano’y operasyon.

Sinabi ni NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Regional Director Jeremy Lotoc na inimbitahan ng mga imbestigador si Princess Maui upang magbigay ng impormasyon tungkol sa umano’y operasyon, ngunit hindi siya humarap sa bureau.

Hindi pa naman naihaharap ng depensa ang evidence-in-chief nito hinggil sa pag-iral, pinagmulan at umano’y pinatutungkulan ng Operation Romanov.

Ipinagpatuloy din ng mga abogado ni Duterte ang cross-examination kay Lotoc kaugnay ng imbestigasyon ng NBI sa mga naitalang pahayag ng Bise Presidente.

Inusisa ng depensa ang mga petsa, pagwawasto at paghahanda ng mga dokumento ng NBI at iginiit na ang findings at recommendations ng bureau ay hindi pinal na paghatol o patunay ng pagkakasala.

Iginiit ng prosekusyon na hindi nabubura ng mga pagkakaiba sa mga dokumento ang mismong mga salitang nasa recordings at hindi rin nito nababago ang pangunahing usaping sinusuri ng impeachment court.

Nauna nang tumestigo si Lotoc na personal na binitiwan ng Bise Presidente ang mga pahayag at paulit-ulit nitong idiniin na hindi siya nagbibiro.

“She uttered those things,” ani Lotoc.

Dumalo rin sa Senado si Office of the Vice President Chief of Staff Zuleika Lopez at inaasahang haharap bilang testigo matapos makumpleto ang cross-examination kay Lotoc.

Sa huling bahagi ng talakayan, sinabi ni Sen.-Judge Alan Peter Cayetano na dapat ituring ang binanggit ni Baste Duterte bilang isang parallel sa sinapit ng pamilya Romanov.