Calendar
Chua kumuha ng personal security matapos pagbantaan ni VP Sara
MATAPOS pagbantaan at murahin ng mapusok at agresibong si Vice President Sara Z. Duterte. Inamin ni House prosecutor at Manila Rep. Joel R. Chua na nakarandam siya ng takot, kung kaya’t kumuha ito ng personal security noong 2024.
Sa isang press conference, sinabi ni Chua, Chairman ng House Committee on Good Government and Accountability, na nakaapekto sa kanyang ang mga naging pahayag ni Duterte matapos ang pagmumura at pagbabanta nito sa kaniyang buhay.
“Hindi ordinaryong tao itong nagbitaw ng ganyang pananalita, bagkus pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa,” ani Chua.
Sinagot ng Manila solon ang tanong ng isang mamamahayag tungkol sa kanyang naramdaman matapos ipalabas sa impeachment court ang mga bahagi ng video kung saan binanggit siya ni Duterte at binatikos ang mga miyembro ng komite ng Kamara.
Ayon kay Chua, napanood na niya ang naturang mga pahayag noong gabi ng insidente, ngunit muli pa rin siyang naapektuhan nang ipalabas ang mga recording sa pagdinig.
“Pero makikita natin dito sa mga salaysay at video na pinakita ang kanyang pagiging violent nature na very unbecoming para sa pangalawang Pangulo ng ating bansa,” sabi pa ni Chua.
Nang tanungin kung nakaramdam ba siya ng banta noong 2024, sumagot si Chua: “Siyempre, bakit sino naman po ba ang hindi matatakot sa mga pananalita ng ating Bise Presidente?”
Sinabi rin ni Chua na wala siyang security detail bago ang naturang insidente, ngunit nagbago ito dahil sa mga naging pahayag ng Bise Presidente.
“Because of that, naglagay ako ng security dahil hindi naman talaga ordinaryo itong nagbitaw ng salita laban sa atin.Hindi ito isang salita na binabalewala,” dagdag pa nito.
Sa pagdinig noong Lunes, iniharap ng prosekusyon si Atty. Jeremy C. Lotoc, regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) at dating pinuno ng Cybercrime Division nito.
Nagpatotoo si Lotoc hinggil sa isinagawang imbestigasyon ng NBI sa mga pampublikong pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.
Ipinanood sa impeachment court ang ilang bahagi ng naturang video na kinilala ni Lotoc. Sa pagdinig, nilinaw ng presiding officer na hindi lahat ng mga pagmumura sa video ay nakatuon kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Lotoc, ang ilan sa mga ito ay tumutukoy sa isa o higit pa sa tatlong opisyal, habang ang iba naman ay nakatuon sa ilang mambabatas.
Tinutulan din ni Chua ang argumento na hindi dapat ituring na banta ang isang pahayag dahil ito ay may kondisyon.
Inihalintulad niya ito sa isang pagbabanta laban sa isang may utang, at sinabing kahit may kondisyon ang isang pahayag ay maaari pa rin itong maging batayan ng reklamong grave threats.
Binigyang-diin ni Chua: “A threat is a threat.”
𝗧𝗼 𝗚𝗼𝗱 𝗯𝗲 𝘁𝗵𝗲 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆

