Calendar
Barbers binatikos ‘paghahanap ng butas’ ng depensa sa testimonya ni Lotoc
BINATIKOS ni House prosecution panel at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers ang tila “paghuhukay ng butas” sa panig ng depensa sa naging testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jimmy Lotoc.
Hindi pinalampas ni Barbers, dating chairman ng House Quadropole Committee, ang estratehiya ng depensa na “nahuhukay at naghahalungkat ng butas” sa testimonya at mga dokumento sa Senate impeachment court na mistula umanong “spelling contest” ang pagdinig.
Pagbibigay diin ni Barbers na sa halip na mapahina ang kaso ng prosekusyon lalo lamang nitong pinatibay ang kanilang kaso sa ilalim ng Article IV na tumatalakay sa alegasyon ng grave threats o pagbabanta laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Barbers, nakatuon ang depensa sa maliliit na detalye dahil hindi nila mapabulaanan ang tunay na mga pangyayari.
“Sa halip na mapabagsak ang pangunahing salaysay, ang agresibong pagtatanong ng depensa ay lalo lamang nagpatunay na matibay ang legal na argumento ng prosecution team,” sabi ni Barbers.
Sinabi rin ng dating kongresista na ang nais marinig ng mga Pilipino ay isang makabuluhang talakayan tungkol sa pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno, at hindi mga legal na taktika na nagpapabagal lamang sa pag-usad ng hustisya.
“Well, nakita naman natin yung ginawa nila kahapon. Naka-focus sila doon sa typo at saka sa clerical errors. Unang-una, hindi naman ito spelling contest. Dapat nagiba nila yung sustansya o yung substance ng testimony ni Atty. Jimmy Lotoc,” ayon kay Barbers.
Ipinahayag ni Barbers ang kanyang paniniwala na hindi magpapadala ang Senate impeachment court sa mga ganitong isyu at sa halip ay magtutuon lamang sa mga katotohanan at ebidensiya.
Sabi pa ni Barbers na mananatiling nakapokus ang prosecution team sa malinaw na paglalahad ng sunod-sunod na pangyayari at mga ebidensiyang magpapatunay sa mga paratang laban sa Bise Presidente.

