Calendar
Speaker Dy: Wastong nutrisyon dapat isulong
NANANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga pamilya, paaralan, lokal na pamahalaan at komunidad na makiisa sa pagsusulong ng wastong nutrisyon kasabay ng pagdiriwang ng National Nutrition Month.
Sinabi ng House Speaker na layunin ng Kamara de Representantes na matiyak na walang batang Pilipino ang magugutom at mabigyan ang bawat isa ng pagkakataong makapag-aral, mangarap at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Binigyang diin din ni Speaker Dy na ang wastong nutrisyon ay hindi lamang usapin ng kalusugan, kundi isang puhunan para sa kinabukasan ng mga kabataan at ng buong bansa.
Ayon sa kanya, ang maayos na nutrisyon ay nagbibigay ng mas malaking pagkakataon sa mga bata upang matuto at maabot ang kanilang mga pangarap.
Ipinahayag din ni Dy na kabilang sa mga unang panukalang batas na naipasa sa “20th Congress” ang pagpapalawak ng “school-based nutrition program” na naglalayong mas marami pang mag-aaral ang makatanggap ng masustansyang pagkain.
Mahalaga ring pangalagaan ang kalikasan dahil nakaugnay ito sa seguridad sa pagkain at kalusugan ng mga mamamayan.
Ayon kay Dy, sa pamamagitan ng pangangalaga sa lupa, tubig, at likas na yaman, pinoprotektahan din ang pinagkukunan ng pagkain ng mga Pilipino.
Hinikayat ni Speaker Dy ang lahat ng sektor ng lipunan na magtulungan upang maisulong ang wastong nutrisyon at pangangalaga sa kapaligiran.

