Lacson1

Lacson pinuri ang PGH sa pagsusuri kay Marcoleta

32 Views

PINURi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang University of the Philippines-Philippine General Hospital sa pagsusumite ng medical assessment sa Sandiganbayan tungkol kay Sen. Rodante Marcoleta.

Nauna nang iniutos ng anti-graft court na magsagawa ang PGH ng hiwalay na pagsusuri upang matukoy kung kailangan pa ni Marcoleta na manatili sa Philippine National Police General Hospital.

Ipinakita ng assessment ng PGH na wala siyang kondisyong medikal na nangangailangan ng patuloy na pananatili sa ospital kaya ipinalipat na sa kulungan.

“It’s a miracle! Naka wheelchair pumasok, brisk walk lumabas. Kudos to UP-PGH for putting professionalism and integrity above all other considerations in submitting their medical report to the Sandiganbayan,” sabi ni Lacson.

Binanggit ni Lacson na nakalakad si Marcoleta habang palabas ng Sandiganbayan noong Miyerkules.

Inaresto si Marcoleta noong Hulyo 6 kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kinalaman sa umano’y P75-milyong donasyong inakusahan siyang tinanggap at hindi idineklara noong siya ay kongresista.

Dinala siya sa PNP General Hospital, kung saan sinabi ng mga doktor na mayroon siyang mild pneumonia at iba pang kondisyong medikal.

Nahaharap si Marcoleta sa mga kaso sa Sandiganbayan.

Nauna nang kinuwestiyon ni Lacson ang tinawag niyang paulit-ulit na pagpapaospital ng ilang kilalang personalidad na nahaharap sa mga kasong kriminal o contempt order ng Senado.

Binanggit niya ang pananatili sa ospital nina Marcoleta at dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, na nahaharap din sa mga kasong plunder at graft sa anti-graft court.