Martin

Walang planong umalis ng PH ex-Speaker Romualdez, sasagutin reklamo sa Ombudsman kapag naipadala na sa kanya

87 Views

WALANG planong umalis ng Pilipinas si dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez at sasagutin niya ang reklamong inihain laban sa kanya sa Office of the Ombudsman kapag pormal na itong naipadala sa kanya, ayon sa kanyang tagapagsalita nitong Lunes.

Itinanggi rin nito ang mga pahiwatig na iniiwasan ng mambabatas ang legal na proseso.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Elaine A. Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, na nananatili sa Pilipinas ang dating Speaker at haharap sa proseso ng Office of the Ombudsman kapag natanggap na niya ang reklamo.

“Mahigpit naming itinatanggi ang anumang pahiwatig na sinubukan ni Rep. Romualdez na takasan ang proseso ng batas. Uulitin po namin: kailanman ay hindi nagtago si Rep. Romualdez,” ani Atienza.

“Hinarap niya ang ICI at haharapin din niya ang Office of the Ombudsman. Nasa bansa siya at mananatili rito hanggang sa tuluyan niyang malinis ang kanyang pangalan.”

Binigyang-diin din ni Atienza na mismong ang Office of the Ombudsman ang nagsabing ang usapin ay nasa yugto pa lamang ng paunang imbestigasyon at hindi pa nangangahulugan ng pagkakaroon ng pananagutan.

“Ang Office of the Ombudsman mismo ang malinaw na nagsabi ngayon na si Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ay hindi nahatulan ng anumang paglabag, wala pang kasong kriminal na naihahain sa Sandiganbayan, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataong sagutin ang mga paratang laban sa kanya,” aniya.

“Ang anunsyo ay tumutukoy lamang sa pagsisimula ng paunang imbestigasyon, kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga respondent na ihayag ang kanilang panig at nananatiling ganap na umiiral ang presumption of innocence na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.”

Sinabi rin ni Atienza na hindi pa pormal na naihahatid kay Romualdez ang kopya ng reklamo at sasagutin niya ito kapag natanggap na.

“Hindi pa pormal na naihahatid kay Rep. Romualdez ang kopya ng reklamo. Kapag natanggap namin ito, sasagutin namin ito nang buong-buo.”

Aniya, ang legal na proseso ay dapat nakabatay sa ebidensya at hindi sa mga pampublikong akusasyon.

“Ang batas ay hindi sumusunod sa ingay ng akusasyon. Sumusunod ito sa bigat ng ebidensya.”

“Iginagalang namin ang lahat ng legal na proseso. Kaya naniniwala kami na ang usaping ito ay dapat resolbahin sa tamang legal na forum, alinsunod sa batas, matapos marinig nang lubos ang magkabilang panig.”

Dagdag pa niya, nananatiling kumpiyansa si Romualdez na malilinis ang kanyang pangalan.

“Nananatili kaming kumpiyansa na kapag obhetibong nasuri ang mga katotohanan at nasubok sa ilalim ng batas ang mga ebidensya, mapapawalang-sala ni Rep. Romualdez ang kanyang sarili,” ani Atienza.