Calendar
Kaso vs ex-Speaker Romualdez wala pa — Atienza
IGINIGIIT ni Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, na malinaw sa pahayag umano ng Office of the Ombudsman na wala pang hatol, wala pang kasong naisampa sa Sandiganbayan at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon si Romualdez na sagutin ang mga paratang laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Atienza, ang inilabas ng Ombudsman ay tungkol lamang sa pagsisimula ng preliminary investigation, kung saan bibigyan ang mga respondent ng pagkakataong ipaliwanag at ipagtanggol ang kanilang panig.
Nananatiling umiiral ang presumption of innocence o ang karapatang ituring na inosente ang isang tao hangga’t hindi napatutunayang nagkasala.
Hindi pa pormal na natatanggap ni Romualdez ang kopya ng reklamo, ayon sa abogada.
“Kapag natanggap na namin ang reklamo, sasagutin po namin ito nang buo,” ani Atienza.
Binigyang-diin din ng abogada na ang batas ay hindi nakabatay sa dami ng mga akusasyon kundi sa lakas ng ebidensiya.
“Ang batas ay hindi sumusunod sa ingay ng akusasyon. Sumusunod ito sa bigat ng ebidensya,” aniya.
Ayon pa kay Atienza, iginagalang nila ang lahat ng legal na proseso at naniniwala silang dapat resolbahin ang usapin sa tamang forum alinsunod sa batas, kung saan maririnig ang magkabilang panig.
Naniniwala rin aniya sila na kapag nasuri nang obhetibo ang mga katotohanan at nasalang sa proseso ng batas ang mga ebidensiya, malilinis ni Rep. Romualdez ang kanyang pangalan.
Mariin ding itinanggi ni Atienza ang anumang pahiwatig na umiiwas si Romualdez sa proseso ng batas.

