Calendar
2 testigo sa maling paggamit ni VP Sara ng confidential funds ihaharap
INIHAYAG ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ihaharap nila ang dalawang testigo na maglalatag ng mga ebidensiya sa naging maling paggamit ni Vice President Sara Duterte ng Confidential Fund noong panahon na pinamumunuan pa nito ang Department of Education (DepEd).
Ang mga ihaharap nilang testigo ay ang hepe ng House Archives at dalawang manager ng LandBank of the Philippines na magpapatotoo sa pagtalakay sa confidential funds
Sinabi ng kongresista na sisimulan nito ang paglalatag ng ebidensiya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo sa pamamagitan ng mga tagapangalaga ng mga opisyal na dokumento at mga opisyal ng bangko.
Ipinaliwanag ni Chua na bago iharap ang mga naturang testigong inaasahang magpapatotoo hinggil sa mga sinasabing tumanggap at humawak ng naturang pondo.
Naabisuhan na ang Senate impeachment court tungkol sa unang tatlong testigong ihaharap ng House prosecution panel kaugnay ng Article I ng Articles of Impeachment.
“At tungkol sa pagkakakilanlan ng mga unang testigo na ihaharap namin kaugnay ng confidential funds, naipaalam na namin ito sa korte,” pahayag ni Chua.
Mauunang haharap ang opisyal na namamahala sa House of Representatives Legislative Archives and Museum Management Service kasunod ang dalawang branch manager ng Land Bank of the Philippines.
Inaasahang sa bahaging ito ng pagdinig ay ilalatag ang mga opisyal na dokumentong nalikom sa isinagawang imbestigasyon ng Kamara at susundan ang mga transaksiyon sa bangko na may kaugnayan sa pagpapalabas at liquidation ng confidential funds.
Sa Article I ng impeachment complaint, inaakusahan si Vice President Sara Duterte ng umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), kabilang ang P125 milyon na natanggap ng OVP noong Disyembre 2022.
“Pagkatapos ng archive at bangko, marami na ang naghihintay kay Remil Madriaga, kaya isa rin siya sa mga nakapilang testigo natin,” dagdag pa ni Chua.
Ayon naman sa prosekusyon, nais muna nitong maipakita ang kumpletong dokumentaryong ebidensiya bago iharap si Ramil Madriaga at iba pang mga testigo na inaasahang magbibigay ng testimonya tungkol sa pagpapalabas, paggalaw at umano’y paggamit ng confidential funds.

