Delima

De Lima kinondena pananakit sa tauhan ng PH Navy

Mar Rodriguez Jul 21, 2026
80 Views

KINONDENA ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party List Rep. Leila de Lima ang panibagong pananakit ng China Coast Guard (CCG) sa mga tauhan ng Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni De Lima na ang China ang umano’y nanghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas ngunit ito pa ang naglalabas ng ibang bersyon ng pangyayari.

“China is once again twisting the narrative even though it is the one intruding into our territory,” ani De Lima.

Hindi maaaring asahan ng China na mananatiling tahimik ang mga sundalong Pilipino habang nilalabag ang soberanya ng bansa, ayon kay De Lima.

Hindi ito ang unang pagkakataon na inakusahan ang China ng agresibong pagkilos sa West Philippine Sea. Binanggit niya ang mga naunang insidente ng pagbangga umano sa mga barko ng Pilipinas, paggamit ng water cannon laban sa mga barko at mangingisdang Pilipino at pagharang sa mga resupply mission ng bansa.

Tinukoy rin ni De Lima ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na kumikilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea ngunit patuloy pa rin umanong inaangkin ng China ang naturang mga lugar.

Bagama’t may ilang opisyal ng pamahalaan na pinipiling manahimik o ipagtanggol ang mga kilos ng China, naniniwala siyang hindi nito malilinlang ang nakararaming Pilipino na handang ipagtanggol ang bansa at ang soberanya nito.

Nagpahayag din ang kongresista ng pag-aalala sa mga nasugatang sundalo at umaasang agad silang gagaling.

“Saludo po kami at taos-pusong nagpapasalamat sa tapang at kahandaan ninyong ipagtanggol ang ating teritoryo,” ani De Lima.

Muling nanawagan si De Lima kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kakayahan ng bansa sa pagpapatrolya at pagtatanggol sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Ayon sa kanya, bukod sa pagpapalakas ng kapasidad at kagamitan ng mga pwersang panseguridad, kinakailangan ding magkaroon ng mas matatag na tugon laban sa paulit-ulit na panggigipit at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

“Ipagtanggol natin ang Pilipinas. Protektahan natin ang mga Pilipino,” aniya.