MTRCB

Wasto, responsableng gamit ng AI muling itinulak ng MTRCB

156 Views

MULiNG idiniin ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang matagal nang isinusulong ng ahensiya na siguruhin ang responsable at maingat na paggamit ng mga umuusbong na teknolohiya sa paglikha at pamamahagi ng nilalaman.

Ito ay inilahad sa isang pahayag ni MTRCB Chair at LEO Laila Sotto sa gitna ng kontrobersiyal na paglalarawan sa mga Pilipino sa China Daily.

“Lubos akong nababahala sa mga bidyong nilikha gamit ang artificial intelligence (AI) at sa mga materyal na pang-editoryal na inilathala ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino sa isang mapanlahi at nakapagpapababa sa ating pagkatao,” ani Sotto.

Dinagdag din ng pinuno ng MTRCB na “bilang isang Pilipino, nakikiisa ako sa bawat Pilipinong nasaktan at tumutol sa mga nakaaalipusta at hindi katanggap-tanggap na paglalarawang ito. Buo ang aking suporta sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtuligsa sa mga mapanirang paglalarawang ito.”

Sinabi rin ng MTRCB chair at CEO na “bagama’t ang partikular na materyal na inilathala ay hindi saklaw ng hurisdiksiyon ng ahensiya, lalo lamang nitong pinagtitibay ang matagal na naming ipinahahayag na pangangailangan para sa responsable at maingat na paggamit ng mga umuusbong na teknolohiya sa paglikha at pamamahagi ng nilalaman.”

Pinuna rin ni Sotto na “nasasaksihan natin ang patuloy na pagdami ng mapaminsalang nilalaman sa mga digital at social media platform, lalo na yaong madaling ma-access ng mga kabataang manonood.”

“Sa MTRCB, patuloy kaming nagsusulong ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga tagalikha ng nilalaman, at mga subscription-based streaming at digital platform upang maisulong ang responsable at etikal na mga pamantayan sa paglikha at pamamahagi ng nilalaman,” pinangako ni Sotto.