Gatchalian

Lifeline power subsidy iminungkahing sagutin ng gobyerno

37 Views

IMINUNGKAHI ni Senate President Sherwin Gatchalian na gobyerno na ang sumagot sa lifeline electricity subsidy para sa mahihirap na pamilya sa halip na ipasa ang gastos sa ibang konsyumer ng kuryente.

Sinabi ni Gatchalian na batay sa kanyang datos, humigit-kumulang ₱75 milyon kada taon ang nakokolekta para sa programa matapos limitahan ang saklaw nito sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at iba pang kwalipikadong pamilyang mababa ang kita.

“So my thoughts, Mr. Chairman, kung ganito lang, ₱75 million, gobyerno na magbayad. Dahil kayang-kaya i-absorb ’yan. Our budget next year is ₱7.3 trillion,” sinabi ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado tungkol sa enerhiya.

Hiniling niya sa Energy Regulatory Commission na isumite ang eksaktong halagang nakokolekta sa programa.

Sinabi ng pinuno ng ERC na wala sa kanya ang taunang halaga ngunit bumaba na sa humigit-kumulang isang sentimo kada kilowatt-hour ang subsidy na sinisingil sa mga konsyumer mula sa dating umaabot sa 10 sentimos.

Nagbibigay ang lifeline rate ng diskuwento sa singil sa kuryente ng mga kwalipikadong pamilyang mababa ang kita. Sinasagot ito ng ibang konsyumer sa kanilang electric bill.

Sinabi ni Gatchalian na mababawasan ang pasan ng middle-class consumers kung ilalagay sa national budget ang gastos, kahit maliit ang kasalukuyang singil.

“Plus, it will unburden the middle class. Kasi ’yung mga nag-bash sa akin, mga middle class eh, na kumukuha tayo sa kanila ng one centavo,” sinabi niya.

Iginiit niyang gobyerno ang dapat maglaan ng pondo para sa subsidy na ipinag-uutos nito para sa mahihirap na pamilya.

“But then again, it’s us, the government, who wants to help the poor. So it should be us, the government, who should be shelling it out,” sinabi ni Gatchalian.

Kinilala niyang mula rin sa taxpayers ang pondo ng gobyerno, ngunit sinabi niyang dapat ang buong sambayanan ang sumagot sa gastos sa halip na mga konsyumer lamang ng kuryente.

“Philosophically, I think it should be government who should be absorbing that dahil tayo ’yung nag-mandate na magbigay ng tulong sa mahihirap,” sinabi niya.

Pumayag ang ERC na isumite ang datos tungkol sa programa.

Wala pang inanunsiyong pinal na halaga o panukalang alokasyon para rito.