Calendar
OFW Party List mataas ang inaasahan sa ika-5 SONA ni PBBM
INIHAYAG ni dating congresswan Marissa “Del Mar” P. Magsino na bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at dating Kinatawan nito sa Kamara de Representantes noong 19th Congress, mataas aniya ang ekspektasyon nila sa paparating na ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Sinabi ni Magsino na umaasa silang mabibigyang diin sa SONA ni PBBM ang mga konkretong programa at polisiya ng pamahalaan na makakapag-bigay ng malaking tulong para sa mga OFWs kasama na ang mga Filipino seafarers at ang pamilyang Pilipino.
Ayon kay Magsino, para sa mga OFWs at Pinoy seafarers. Inaasahan nilang marinig sa SONA ang mga hakbang at programa ng Marcos administration upang higit na maprotektahan ang kanilang mga karapatan at matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan.
Inaasahan din nila, dagdag pa ni Magsino, na mapabilis ang serbisyo ng pamahalaan kasabay ng pagpapalawak sa mga oportunidad, pagsasanay, trabaho at ang maayos na pagbabalik ng mga OFWs sa ating bansa.
Bukod dito, ipinahayag din ng dating Party List Lady solon na umaasa din sila para sa mas matibay na suporta ng gobyerno para sa pamilya ng mga OFWs sa pamamagitan ng edukasyon, health care at pagkakaroon ng livelihood programs para sa mga OFWs.
“Bilang Kinatawan ng mga OFWs noong 19th Congress. Inaasahan natin na tatalakayin sa SONA ng ating Pangulo ang mga programa at polisiya ng pamahalaan para sa ating mga OFWs kasama na ang mga Filipino seafarers. Kasama sa aming inaasahan na mailatag din sa SONA ang pagkakaroon ng mga programa para sa edukasyon, health care ay pangkabuhayan ng pamilya ng mga OFWs,” ang pahayag ni Magsino.
Muling ipinaalala ni Magsino na ang mga OFWs at Pinoy seafarers ay kinikilala bilang mga modernong bayani dahil sa kanilang hindi matatawarang sakripisyo at sipag na naging dahilan naman upang lalo pang mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.
Dahi dito, pagbibigay diin ni Magsino na nararapat lamang na ito ay matumbasan ng mga programang nagbibigay sa kanila ng seguridad, dignidad at tunay na malasakit.
Para naman sa mga ordinaryong mamamayang Pilipino, sinabi pa ng dating congresswoman na umaasa silang marinig sa mensahe ng Pangulo ang malinaw na plano ng pamahalaan sa pagpapababa ng mga pangunahing bilihin, paglikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho, pagpapalakas ng edukasyon, ang pagkakaroon ng serbisyong pang-kalusugan at ang pagpapaunlad sa ating agrikultura kasama na ang iba pang sektor ng ating ekonomiya.
Mahalaga diin, sinabi pa ni Magsino, ang patuloy na pakikipaglaban ng pamahalaan sa korapsiyon.

